3,807 total views
Umaasa si San Jose Occidental Mindoro Bishop Pablito Tagura na lumago sa kabanalan at bilang kristiyanong pamayanan ang bikaryato sa kanyang pamumuno.
Ito ang inihayag ng obispo sa kanyang ordinasyon nitong February 17, 2023 na ginanap sa Diocesan Shrine of Jesus the Divine Word na pinangunahan ni Cardinal Luis Antonio Tagle ng Dicastery for Evangelization ng Vatican.
Hiling ni Bishop Tagura sa mananampalataya ang panalangin sa ikatatagumpay ng kanyang pamumuno bilang pastol sa halos kalahating milyong katoliko ng bikaryato.
“Please pray for me and with me that as I, journey in faith with the laity and the clergy of San Jose Occidental Mindoro, we may grow together in love as missionary disciples of the Lord,” bahagi ng pahayag ni Bishop Tagura.
Sinabi ng obispo na bagamat malaking tungkulin ang iniatang sa kanya ng simbahan ay sisikapin nitong gampanan ang gawain sa tulong at gabay ni Hesus ang Mabuting Pastol.
Disyembre 2022 nang hirangin ng Santo Papa Francisco si Bishop Tagura bilang ikatlong obispo ng Apostolic Vicariate of San Jose makaraan ang halos limang taong sede vacante nang magretiro si Bishop Antonio Palang noong 2018 dahil sa karamdaman.
“I hope and pray that I am worthy for the trust and confidence of the Holy Father Pope Francis in appointing me as bishop” ani Bishop Tagura.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Cardinal Tagle mensahe nito sa bagong obispo na maging mabuting pastol sa kawang pamumunuan habang tiniyak ang patuloy na panalangin.
“Be a good shepherd to the people entrusted to your care, as I am praying for your new mission,” mensahe ni Cardinal Tagle.
Katuwang ni Cardinal Tagle sa ordinasyon ni Bishop Tagura sina Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown at Lipa Archbishop Gilbert Garcera.
Dumalo rin sa pagtitipon ang ilang obispo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pangunguna ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David.