543 total views
Mga Kapanalig, tinatalakay ngayon sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong proteksyunan ang mga guro mula sa pagturing sa kanilang pagdidisiplina sa mga bata bilang pang-aabuso.
Itinuturo nila ang Republic Act No. 7610 of 1992 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act, gayundin ang Department of Education Child Protection Policy, na umano’y nagtuturing sa pagdidisiplina bilang child abuse. Linawin nating ang layunin ng mga patakarang ito ay bigyang-proteksyon ang mga bata, hindi ang ilagay sa alanganin ang mga guro.
Dininig ng House Committee on Basic Education and Culture ang tatlong panukalang batas na poproteksyunan daw ang mga guro laban sa umano’y maling akusasyon ng pang-aabuso. Sabi ng Alliance of Concerned Teachers, may mga pagkakataong sinasampahan ng kaso ang mga guro dahil lamang sa pagdisisiplina sa mga bata. Kailangan daw proteksyunan ang mga guro dahil “sweeping” daw ang depinisyon ng pang-aabuso sa kasalukuyang batas. Para sa mga may-akda ng mga panukalang batas, maaaring ang layunin ng guro ay pagdidisiplina pero ginagamit ang batas para ituring itong pang-aabuso.
Dagdag naman ng Teachers’ Dignity Coalition, dahil daw sa kasalukuyang batas, lahat na lang daw ng uri ng pagdidisiplina ay maaaring maikategorya bilang child abuse na maaaring mauwi sa panghihiya, paninikil, at pagpapakulong sa mga guro kahit na walang batayan ang akusasyon. Maaari din daw itong gamitin laban sa mga guro kahit na isang maliit na pagkakamali lang ang nagawa niya o kahit na ginagampanan lamang niya ang kanyang tungkulin. Ang mga guro daw ang nakakaawa kapag sila ay nakasuhan dahil maaapektuhan nito ang kanilang retirement pay.
Narinig ng Kamara ang panig ng mga guro sa diskusyong ito, ngunit mapakinggan din sana nila ang mga nagsulong ng RA 7610—ang mga child rights advocates at ang mga bata mismo. Hindi layunin ng RA 7610 at ng DepEd Child Protection Policy na patunayan kung kaninong dignidad ang mas matimbang o kung sino ang mas nararapat bigyang-proteksyon. Ang hinihingi ng mga patakarang ito ay ang pag-iwan sa mga nakasasakit na paraan ng pagdidisiplina—pisikal man, emosyonal, o mental na pananakit. Hinihimok ng mga ito ang mga guro, bilang mga magulang sa loob ng paaralan, na iwasang manakit at sa halip ay gumamit ng mga positibong pamamaraan ng pagtutuwid sa pagkakamali ng mga mang-aaral. Ayon nga sa National Baseline Study on Violence Against Children, 14% ng mga batang Pilipino ang nakaranas ng pananakit sa loob ng paaralan mula sa kanilang mga guro. Kabilang sa mga ito ang pangungurot, pambabato ng eraser, pamimingot sa tainga, at pamamalo gamit ang kamay. Gusto pa ba nating magpatuloy ang mga pananakit na ito?
Hinihiling ng mga gurong kilalanin ang dignidad nila bilang mga tagapagturo. Dapat lamang. Ngunit hinihiling din ng batas na kilalanin ang dignidad ng bawat bata at ang karapatan nilang maproteksyunan mula sa pananakit. Ang mga bata ay nasa proseso pa lamang ng kanilang pag-unlad at paglaki. Hindi pa nila lubusang nauunawaan ang mga nangyayari sa kanilang paligid, kaya mahalaga ang papel ng mga guro upang ipaunawa sa kanila ang kahalagahan ng mabuting asal at pagrespeto sa kanilang kapwa—matanda man o bata.
Mga Kapanalig, gaya ng sinabi ni Pope Francis, laging dala ng mga batang nasaktan o naabuso ang karanasang ito at hindi ito mabubura kailanman.4 Huwag na nating ituring ang pananakit bilang natatanging paraan, o ‘di kaya’y unang hakbang, ng pagdidisiplina. Sabi nga sa Mga Kawikaan 22:6, “ituro sa mga bata ang daang dapat niyang lakaran at hanggang sa paglaki’y ‘di niya ito malilimutan.” Gusto ba nating pananakit at karahasan ang maitanim sa isip mga bata hanggang sa kanilang paglaki?
Sumainyo ang katotohanan.