623 total views
Itinakda ng Holy See ang Apostolic Visit ni Pope Francis sa Bahrain sa unang linggo ng susunod na buwan.
Ito ay itinakda sa November 3-6 kung saan dadalo si Pope Francis sa “Bahrain Forum for Dialogue: East and West for Human Coexistence”.
Bahagi din ng pagdalaw ng Santo Papa ang pagbisita sa maliit na pamayanan ng mga katoliko sa bansa na binubuo ng 161-libong mula sa 1.7 milyong populasyon ng Bahrain.
Kabilang din sa gawain ni Pope Francis sa Bahrain ang courtesy visit kay King Hamad bin Isa Al-Khalifa sa Sakhir Royal Palace.
Pangungunahan din ng Santo Papa ang ecumenical prayer at prayer for peace na gaganapin naman sa Our Lady of Arabia Cathedral sa Awari City.
Isang misa rin ang pangungunahan ni Pope Francis sa Bahrain National Stadium.
Isinapubliko rin ng Holy See ang motto at logo para sa gaganaping Apostolic Journey.
Tema ng pagdalaw ng Santo Papa ang “Peace on earth to people of goodwill” na hango mula sa ebanghelyo ni San Lukas.
Matatagpuan naman sa logo ang watawat ng Bahrain at Holy See na tila nakabukas na palad na nakatuon sa Diyos.
Ayon sa Vatican ito ang nagpapakita ng pangako ng mga tao at bansa nang walang pagtatangi at sa diwa ng pagiging bukas bilang magkakapatid.