672 total views
Opisyal ng binuksan at pinasinayaan ng pamunuan ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting ang magsisilbing Command Center ng PPCRV na isa sa citizens arm ng Commission on Elections (COMELEC) para sa nakatakdang May 12, 2025 Midterm National and Local Election.
Pinangunahan ni PPCRV Chairperson Evelyn Singson kasama ang PPCRV Board of Trustees ang Power Up Activity o Kick Off and Ribbon-Cutting Ceremony ng PPCRV Command Center na matatagpuan dito sa PLDT SAMPALOC MITC Building na sa kahabaan ng Espana, Blvd.
Personal ding nakibahagi sa pagpapasinaya ng PPCRV Command Center si COMELEC Chairman George Erwin Gacia, PPCRV Founder and Chairman-emeritus Ambassador Henrietta De Villa, 1987 Constitutional Framer Novaliches Bishop-emeritus Teodoro Bacani Jr. at CBCP Executive Secretary Msgr. Bernardino Pantin.
Inaasahang dito isasagawa ang unofficial parallel count ng PPCRV upang matiyak na walang dagdag-bawas na magaganap sa resulta ng nakatakdang Midterm Elections.
Layunin ng pagsasagawa ng unofficial parallel count na matiyak ang resulta at kredibilidad ng halalan sa pamamagitan ng pagbabantay at pagsusuri sa mga transmitted results ng COMELEC.
Nauna ng umapela ng tulong ang PPCRV mula sa iba’t ibang sektor upang makapagbahagi ng mga kinatawan na maaring makatulong sa pagtatala ng mga impormasyon kaugnay sa isasagawang unofficial parallel count bilang mga volunteer encoders sa PPCRV Command Center para sa resulta ng Midterm Elections.
Samantala bukod sa pagtiyak sa teknikal na pagbabantay sa resulta ng halalan ay nauna na ring nanawagan ang PPCRV upang makibahagi lalo na ang mga kabataan sa pagbabantay sa nakatakdang halalan sa May 12, 2025.
Kaugnay nga nito bahagi ng layunin ng inilunsad ng PPCRV na Tibok Pinoy values development program ng maisulong ang paghuhubog ng mga model Filipino o mamamayang maka-bayan, maka-Diyos at matapat na katangiang dapat ding taglayin at hanapin ng mga botante sa mga ihahalal na opisyal ng pamahalaan.
Umaasa rin ang PPCRV na mahimok ang mas maraming kabataan na makilahok at makibahagi sa mga usaping panlipunan partikular na lamang ang nakatakdang halalan dahil sa malaking papel na kanilang ginagampanan para sa kinabukasan ng bayan.
Batay tala ng Commission on Elections (COMELEC), sa mahigit 69.6 na milyong registered voters 63-porsyento dito ay mga Millennials at Gen Z, o mga kabataan na nasa edad 18 hanggang 35 taong gulang.