16,501 total views
Pangungunahan ng San Fernando-Pampanga Archdiocesan Commission on Church Heritage, katuwang ang United Architects of the Philippines — Commission on Liturgical Architecture & Sacred Spaces (UAP-CLASS), ang seminar at workshop na may temang “Conserving Heritage Churches.”
Isasagawa ito sa August 18, 2025, mula alas-8:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali sa Virgen de los Remedios Function Hall, Arzobispado de San Fernando, San Jose, San Fernando City, Pampanga.
Magsisimula ang programa sa pamamagitan ng pambungad na pananalita ni San Fernando, Pampanga Archbishop Florentino Lavarias, at susundan ng pagpapakilala sa mga magiging tagapagsalita.
Kabilang dito sina National Museum of the Philippines – Arts and Built Heritage Division Museum Researcher II John Brian de Asis, MA, na tatalakay sa paksang “Importance of Republic Act 11961 Related to Declared Churches.”
Susundan ito ng pagbabahagi ni International Council on Monuments & Sites — Philippines President, Wood Structure Management Dr. Cheek Fadriquela tungkol sa “Wood Management in Heritage Churches”; at panghuli nama’y si UAP-CLASS Chairman Arch. Roy John de Guzman na ituturo ang “Basic Church Construction and Maintenance Workshop.”
Layunin ng gawain na palawakin ang kaalaman at kamalayan hinggil sa pangangalaga at pagpapanatili ng mga makasaysayang simbahan, na itinuturing na mahalagang bahagi ng pamana ng Simbahang Katolika at ng kasaysayan ng bansa.
Ang mga heritage church ay patunay ng pananampalataya, sining, at kultura ng mga Pilipino sa loob ng maraming siglo, at tampok dito ang kakaibang disenyo at sining na pinagsama ang impluwensiya ng kolonyal na kasaysayan at likas na galing ng mga Pilipino.
Sa Pampanga, kabilang sa mga kilalang heritage churches ang San Guillermo Parish Church sa Bacolor; Sta. Monica Parish Church sa Minalin; at ang Metropolitan Cathedral of San Fernando.