192 total views
Pinaigting pa ng Simbahang Katolika ang pagkilos para tugunan ang pangangailangan ng mga magsasakang apektado ng El Niño phenomenon sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Sa kasalukuyan, kinukumpleto ng Caritas Manila, ang social action arm ng Archdiocese of Manila ang mga datos sa pangangailangan ng mga apektadong Diyosesis sa pamamagitan ng Radio Veritas 846 bilang communication hub.
Isa sa mga una nang umapela ng tulong ay ang Archdiocese of Cotabato na sumasakop sa lalawigan ng Maguindanao, Sultan Kudarat at North Cotabato na isinailalim na sa state of emergency bunsod ng matinding epekto ng tagtuyot.
Inamin ni Father Clifford Baira, Social Action Director ng nasabing Arkidiyosesis na matindi na ang epekto ng tagtuyot sa kanilang mga lalawigan partikular na sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Dahil dito, umapela na si Father Baira sa iba’t-ibang institusyon ng Simbahan partikular na sa Caritas Manila ng tulong pinansyal upang madalhan ng relief assistance ang 13 Parokya sa Archdiocese of Cotabato ng apektado ng El Niño.
Sa datos na ipinadala ni Father Baira, aabot sa mahigit 12 libong pamilya ang apektado ng El Nino sa kanilang archdiocese.
“As I travelled around the Archdiocese these past weeks, I personally observed that it is not only the province of Maguindanao that is heavily affected by the drought. Consideration is due to other nearby provinces within the Archdiocese of Cotabato, like North Cotabato and Sultan Kudarat’s mountain areas of Senator Ninoy Aquino and Barangay Masiag. Yet, based on some testimonies of our faithful in the Basic Ecclesial Communities in some barangays and chapels, they can hardly avail of the goods coming from the government for whatever reason.” Pahayag ni Father Baira sa sulat na ipinadala sa Radyo Veritas.
Noong ika-12 ng Abril 2016, 200 sako ng bigas ang ipinagkaloob ng Caritas Manila sa Social Action Center ng Diocese of Kidapawan para sa libu-libong magsasaka na dumadaing ng kagutuman bunsod ng malalang epekto ng tagtuyot sa kanilang mga pananim.
Kinumpirma naman ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari ang patuloy na pagsasagawa ng Diocese ng assessment sa mga apektadong residente ng lalawigan habang ongoing ang kanilang rehabilitation program sa mga apektado ng bagyong Nona at Lando.
Sa kasalukuyan 7 probinsya at 5 lungsod na sa bansa ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa epekto ng El Niño.
Samantala nagpahayag na ang Simbahang katolika ng panalangin para sa pagkakaroon ng ulan sa bansa sa pamamagitan ng pagdarasal ng oratio imperata.