5,669 total views
Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mungkahi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na magdeklara ng state of national calamity bunsod ng malawakang pinsalang idinulot ng bagyong Tino at ng panibagong bagyong inaasahang papasok sa bansa.
“Because of the scope of problem areas that have been hit by Tino and will be hit by Uwan, there was a proposal from the NDRMC which I approved that we will declare a national calamity,” ani ng Pangulo matapos ang kanyang briefing kasama ang NDRRMC.
Ayon kay Marcos, 12 rehiyon ang direktang naapektuhan o maaapektuhan ng sunod-sunod na bagyo, kabilang na ang Region 6, 7, 8, at Negros Island Region.
“Mabigat talaga ang pagkatama sa Cebu, actually Region 6, 7, 8, Mimaropa, umabot sa Negros Island Region,” saad ng Pangulo.
Dagdag pa ng punong ehekutibo, patuloy ang ginagawang relief at support operations ng pamahalaan, katuwang ang mga local government units (LGUs) at mga first responders, upang masiguro ang agarang tulong sa mga nasalanta.
“We are doing our usual relief and support activities para lahat ng mga displaced, lahat ng naging biktima ay matutulungan natin ng pamahalaan,” paliwanag ni Marcos.
Gayunman, binigyang-diin din ng Pangulo na habang patuloy ang pagtugon sa mga apektado ng Bagyong Tino, nakatutok na rin ang pamahalaan sa paghahanda laban sa panibagong bagyong “Uwan”, na posibleng ding tumama sa hilagang bahagi ng Luzon, partikular sa Cagayan.
“Unfortunately, meron tayong inaabangan na parating na may potensyal na maging mas malakas pa—itong napangalanang ‘Uwan.’ So we are also preparing for that,” aniya.
Ayon pa sa Pangulo, “The casualty count is very high. I do not want to give a number because we are still in the process of validating all the numbers about the damages.”
Sa ngayon, patuloy ang koordinasyon ng Malacañang, NDRRMC, at mga lokal na pamahalaan para sa mas pinabilis na distribusyon ng tulong at pagpapatatag ng mga evacuation centers sa mga rehiyong lubhang sinalanta ng bagyo.
Ang pagdedeklara ng state of national calamity ay magpapabilis sa paglalabas ng pondo at paggalaw ng mga ahensya ng pamahalaan upang agarang maihatid ang ayuda, rehabilitasyon, at serbisyong medikal sa mga apektadong mamamayan.



