287 total views
Mga Kapanalig, sa nakaraang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Duterte, isa ang Tax Reform Bill sa mga panukalang batas na malinaw na binigyan niya ng malakas na suporta. Sa katunayan, binantaan niya ang isang senador (bagamat may halong biro) na maghanda ang mambabatas sa susunod na eleksyon kung hindi nito susuportahan ang panukalang batas nang buong buo. (Matatandaang naipasá na sa Mababang Kapulungan ang Tax Reform Bill.)
Laging kontrobersyal at masalimuot ang anumang batas na may kinalaman sa pagbubuwis, kaya dapat pinag-aaralan itong mabuti, hindi lamang ng mga mambabatas kundi ng mga mamamayan. Ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (o TRAIN) Bill ang tinutukoy na panukalang batas ng pangulo na nais niyang ipasá ng Senado. Naglalayon itong gawing simple ang pangungolekta ng buwis, babaan ang personal na buwis sa kita o personal income taxes, at palawakin ang mga nagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng value added tax o VAT.
Una sa lahat, sapagkat masalimuot at malawak ang epekto ng panukalang batas na ito, tungkulin ng lehislatura na talagang busisiin ito. Hindi dapat tinatakot o pinipilit ang ating mga senador na aprubahan ang isang batas sa buwis nang buong buo nang hindi ito napag-aralang mabuti. Kinikilala maging ng Simbahan ang pagiging wasto ng prinsipyo ng paghahati-hati ng mga kapangyarihan ng estado (o division of power in a State) sa pagtingin nitong higit na mabuting nababalanse ang bawat kapangyarihan ng ibang mga kapangyarihang sumasaklaw sa ibang mga tungkulin upang matiyak na ang bawat kapangyarihan ay may hangganan. Hindi ang ehekutibo (sa pangunguna ng pangulo) ang gumagawa ng batas; ang lehislatura (na kinabibilangan ng ating mga kinatawan sa Kongreso at mga senador) ang may tungkuling magsuri sa mga pinapanukalang batas ng ehekutibo.
Ikalawa, may ilang nagsuri sa TRAIN Bill na nagsabing maaari raw na dehado pa ang mga mahihirap kung ipatutupad ito. Halimbawa, dahil papatawan ng mas mataas na buwis ang mga sugar-sweetened beverages o matatamis na mga inumin, magiging ₱30 na ang isang litrong softdrinks na ngayon ay ₱27. Ang isang sachet ng juice o kape na nabibili natin ngayon nang ₱9 ay magiging ₱20. Patataasin din ng pagpapataw ng excise tax sa diesel at gasolina ang halaga ng maraming bilihin, kasama na ang pagkain na malaking bahagi ng gastusin ng mga mahihirap, sapagkat gumagamit ng transportasyon ang halos lahat ng bagay na ating binibili.
Sagot naman ng mga nagpanukala ng mga bagong buwis, bibigyan daw ng subsidiya ang mga mahihirap. Ang problema, mga Kapanalig, para lamang sa apat na taon ang subsidiya, samantalang tuluy-tuloy pa rin pagkatapos ng apat na taon ang pagpapataw ng buwis at pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Pangalawa, hindi rin malinaw ang paraan ng pamamahagi ng subsidiya. Paano matitiyak ng pamahalaang maaabot ng subsidiya ang lahat ng mga mahihirap at nangangailangan?
Pagtatanggol pa ng ehekutibo: gugugulin naman daw ang karagdagang buwis para sa mga programang pakikinabangan ng mga mahihirap tulad ng edukasyon, kalusugan, at pabahay. Ngunit hindi pa ganoon kaayos, kahusay, at kamakatarungan ang pagpapatupad ng mga programang ito ng ating pamahalaan. Isang halimbawa nito ang pabahay. Maraming pabahay na hindi maayos ang pagkakagawa, itinayo sa malalayong lugar, at, sa maraming kaso, hindi ang tunay na mahihirap ang nakikinabang. Marahil, bago magpataw ng bagong buwis na papasanin din ng mahihirap, higit na mabuting pagtuunan muna ng pansin ang pagsasaayos sa mga programang pabahay at iba pang serbisyo ng pamahalaan upang matiyak na pakikinabangan ang mga ito ng mga mahihirap.
Paalala ng ating Simbahan, mga Kapanalig: bahagi ng tungkulin ng Estado, bilang tagapangalaga sa mga pinakamahihina sa lipunan, ang pagpapataw ng buwis at ang maayos na paggastos ng pampublikong yaman.
Sumainyo ang katotohanan.