1,505 total views
Iminungkahi ng Lawyers For Commuters Safety and Protection (LFCSP) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagkakaroon ng transport hearing officers.
Ayon sa grupo, ito ay upang mapabilis ang pagdinig ng ahensya sa mga kaso at reklamo ng parehong mga commuters, drivers at operators.
“Ang LTFRB ay may quasi-judicial functions maliban sa administrative functions nito, ibig sabihin sa usapin ng public transport mula sa karaniwang overcharging na kaso, pagbibigay ng prangkisa, o labanan sa ruta, lahat ay dinidinig ng Board. At tatlong tao lamang sila: ang Chairman at dalawang Board Members. Dalawang beses lamang sa isang linggo nagkaka hearing, at napakarami pa nilang trabaho na administratibo,” bahagi ng mensahe ng LFCSP.
Sa tulong ng mga Transport Hearing Officers ay mapapadali ang pagsasaayos sa mga reklamo, kung saan ang hanay ang didinig sa mga maliliit na kaso na isinusumite sa ahensya.
Bukod sa pagpapabilis ng proseso, giit pa ng grupo na mabibigyan din nito ng pagkakataon ang mga Board Members at Officials ng LTFRB na magkaroon ng sapat na panahon upang tutukan ang mga administrative cases na kailangang dinggin.
Ang mungkahi rin ng LFCSP ay dahil sa mabagal na pagdinig ng ahensya kung saan umaabot lamang sa karaniwang 2-kaso ang nadidinig at nagkakaroon ng resolusyon kada linggo.
Kada linggo ay natatanggap ng LTFRB ang daan-daang reklamo o mga kaso ng overcharging sa presyo ng pamasahe, pag-aagawan ng ruta ng mga jeepney o bus lines at hindi pagtanggap o pagiging pihikan ng mga drivers sa mga pasaherong sumasakay sa mga pampublikong transportasyon.
Una ng ipinaalala ng Kaniyang Kabanalang Francisco sa mga public officials na isapuso ang paglilingkod sa mga mamamayan higit na sa mga disadvantaged na sektor ng lipunan.