1,639 total views
Umaasa ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care na maging makabuluhan ang paggunita ng bawat isa ng panahon ng Kuwaresma.
Sa online program ng kumisyon na Narito ako, Kaibigan mo ay ibinahagi ni Rev. Fr. Nezelle Lirio – executive secretary ng prison ministry na nawa ay samantalahin ng bawat isa ang panahon ng Kwaresma upang suriin ang sarili at pagnilayan ang mga nagawang desisyon at hakbang sa buhay.
Paliwanag ng Pari ang panahon ng Kuwaresma ay isang pagkakataon rin upang maipaalala sa bawat isa ang kahalagahan ng paglilingkod o pag-aalay sa kapwa hindi lamang para sa mga taong madaling paglingkuran o tulungan kundi lalo’t higit para sa mga taong mahirap mapaglingkuran.
“Sana po maging meaningful po yung celebration natin ng Lent, kumbaga isa pong magandang pagkakataon na tingnan din natin yung ating sarili, yung kalooban natin… isang pagkakataon din ito para i-remind tayo na yung paglilingkod natin ay hindi lang sa mga taong madaling paglingkuran, may mga tao kasing madaling paglingkuran pero may mga tao din na mahirap paglingkuran.” Ang bahagi ng pahayag ni Rev. Fr. Nezelle Lirio.
Parikular na tinukoy ng Pari ang paglilingkod sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) o mga bilanggo na sadyang hindi madaling paglingkuran lalo na kung higit na mangingibabaw ang paghuhusga sa kanilang mga nagawang kasalanan at pagkakamali sa buhay.
Pagbabahagi ni Fr. Lirio, ang Kuwaresma ay isa ring naaangkop na panahon upang bigyan ng pagkakataon ang bawat isa lalo’t higit ang mga makasalanan na pagsisihan ang kanilang mga nagawang pagkakamali sa buhay at makapagbalik loob sa Panginoon.
“Isang mahirap paglingkuran ay yung mga nasa loob po, yung mga PDLs lalong lalo na kapag meron tayong hindi magandang pagkakakilala sa kanila nagkakaroon na tayo ng bias pero isang magandang pagkakataon na mabigyan natin sila ng pagkakataon din na maipakita nila kung sino talaga sila.” Dagdag pa ni Fr.Lirio.
Ayon sa prison ministry ng Simbahan ang panahon ng Kuwaresma ay isang pambihirang pagkakataon para sa lahat upang makapagsisi at makapagbalik loob sa Panginoon na isang magandang pagkakataon para sa mga bilanggo upang pagsisihan ang kanilang mga nagawang kasalanan.
Kaugnay nito, una ng tiniyak ng Bureau of Jail Management and Penelogy (BJMP) na nakakadalo sa mga religious activities ang mga bilanggo bilang bahagi ng kanilang reporma kung saan tinatayang nasa 93,000 ang mga Katolikong bilanggo sa buong bansa.