302 total views
Mga Kapanalig, nasaksihan na naman natin ang matinding pinsalang dulot ng malakas na bagyo sa ilang lugar sa Northern Luzon nitong mga nagdaang araw. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, umabot na sa 30 katao ang nasawi sa pananalasa ng Bagyong Maring. Naging dahilan ang mga pagragasa ng tubig, pagguho ng lupa, at biglaang pagtaas ng tubig-baha ng pagkamatay at pagkawala ng napakarami. Kalunus-lunos ang sinapit ng marami sa kanila nang masalanta ang kanilang mga bahay, pananim, at kabuhayan. Maliban sa mga isinasagawang relief operations at donation drives upang tulunga ang ating mga kababayan sa Benguet, Cagayan, at Ilocos Norte, at iba pang mga probinsya, may mas malalim na aksyong kailangang gawin.
Kinilala kamakailan ng United Nations Human Rights Council (o UNHRC) sa kauna-unahang pagkakataon ang pagkakaroon ng access sa malinis at malusog na kapaligiran bilang isang pangunahing karapatang pantao. Kabilang ang Pilipinas sa 42 bansang sumuporta sa nasabing resolusyon, kung saan nakikita ito bilang mahalagang tugon sa krisis sa klima. Para sa mga climate activists at environmental lawyers, makatutulong ito sa kanilang pagsasampa ng kasong may kinalaman sa lagay ng kalikasan at karapatang pantao. Naaayon ang resolusyong ito sa panlipunang turo ng Simbahan na nagsasabing mahalagang gumagawa at nagpapatupad ng mga patakaran ang pandaigdigang komunidad na magpapahintulot sa mga bansang isaayos ang iba’t ibang aktibidad ng tao, negosyo, at korporasyong may negatibong epekto sa kalikasan.
Itinuturing ng World Health Organization (o WHO) ang climate change bilang pinakamalaking banta sa kalusugan at buhay ng tao. Ayon sa WHO, tinatayang 23% ng sanhi ng pagkamatay sa buong mundo ay may kaugnayan sa tinatawag na mga environmental risks. Halimbawa, nagiging sanhi ng sakit sa baga ang usok mula sa mga sasakyan at pabrika. Nagiging sanhi ng mapaminsalang pagbaha ang problema sa basura at patuloy na pagpuputol ng mga puno. Nagdudulot naman ng delikadong pagguho ng lupa ang walang pakundangang pagmimina. Malinaw na pinabababa ng climate change ang kalidad ng buhay ng tao. Sa nararanasang krisis sa klima, mas matindi at mapanira ang hagupit ng mga kalamidad at mas lalo nating nararamdaman ang mga epekto nito. Ang nakalulungkot, ang maliliit at mahihirap na bansang katulad ng Pilipinas ang higit na nagdurusa sa pagbabago ng klima.
Dahil dito, kailangang paigtingin ang mga pangmatagalang estratehiyang tutugon sa peligrong dala ng mga sakunang dulot ng climate change. Upang magawa ito, kailangang isaalang-alang ang kapakanan ng tao at kalikasan sa lahat ng mga patakaran, plano, at proyektong ipatutupad sa ating bansa. Sabi nga sa Mga Awit 21:3, “ang paggawa ng matuwid at makatarungan ay kalugud-lugod sa Panginoon.”
Ngunit may katarungan ba para sa mga tao at kalikasan kung sa ngayon ay tahasang ipinagpipilitan ang pagpapatayo ng dambuhalang dam na ikasisira ng ilog at kagubatan, ang pagtatambak ng artipisyal na buhanging kapalit ay pagkaubos ng kabundukan, at ang pagpapatayo ng mga mahahabang highway kung saan maraming mahihirap na pamilya ang nagiging biktima ng sapilitang pagpapaalis? May mga pagkakataong nagbabangga ang paghahangad ng katarungan at pagtugon sa mga isyung panlipunan, ngunit ang hamon ay ang pag-ugnayin ang dalawang ito upang tunay na mapakinggan ang hinaing ng kalikasan at ng tao.
Mga Kapanalig, kung magiging mulat at patuloy tayong sama-samang kikilos, kung handang makinig ang mga nasa gobyerno, at kung isasaalang-alang ng malalaking korporasyon ang kapakanan ng kalikasan, magagawa nating ibsan ang mga sanhing nagpapalalâ sa climate change. Unti-unting gaganda ang kalidad ng buhay ng tao lalo na ng mga nasa laylayan, at magkakaroon ng mas maaliwalas na hinaharap ang susunod na henerasyon. Higit sa lahat, matatamasa ng lahat ang karapatang mamuhay sa malinis at malusog na kapaligiran.