156 total views
Mga Kapanalig, sa araw na ito, isang taon na ang nakalipas, nang ilabas ng United Nations Permanent Court of Arbitration o UN Tribunal ang desisyon nito kaugnay ng mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea. Wala raw batayan ang pag-angkin ng China sa mga teritoryong nakapaloob sa iginigiit nitong nine-dash line na nakamarka sa isa nilang lumang mapa. Bagkus, idineklara ng UN Tribunal ang ilang pinagtatalunanag teritoryo sa West Philippine Sea na kabilang sa exclusive economic zone o EEZ ng Pilipinas. Ang EEZ ang bahagi ng karagatan na itinatadhana ng UN Convention on the Law of the Sea kung saan may soberanyang karapatan o sovereign rights ang isang bansa na galugarin at gamitin ang yamang-dagat na sumasaklaw sa hanggang 200 nautical miles mula sa baybayin ng bansa.
At dahil napatunayang sakop ng EEZ ng Pilipinas ang ilang teritoryong inaangkin ng China, nanindigan ang UN Tribunal na nilabag ng China ang soberanyang karapatan ng Pilipinas sa EEZ nito. Inisa-isa ng UN Tribunal ang mga paglabag ng China sa EEZ ng Pilipinas. Kabilang dito ang panghihimasok nito sa pangisdaan at pagsasaliksik ng langis sa West Philippine Sea, ang pagpapatayo ng mga artipisyal na isla, at ang hindi pagpigil sa mga mangingisdang Tsino na pumasok sa teritoryo ng Pilipinas upang mangisda. Kasama rin sa paglabag ang pagharang sa mga Pilipinong mangingisda sa Panatag Shoal, isang traditional fishing grounds na hindi pagmamay-ari ng alinmang bansa kaya’t kahit sino ay maaaring mangisda sa lugar na iyon. Kabilang din sa paglabag ang pagpinsala ng China sa yamang-dagat sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga istruktura at reklamasyon ng mga isla at pangunguha ng coral reefs at iba pang endangered species sa lugar.
Isang taon na ang lumipas mula nang ibaba ang desisyon ng UN Tribunal hinggil sa West Philippine Sea, ngunit hanggang ngayon, patuloy pa ring iginigiit ng China na hindi nito tinatanggap ang desisyon. Sa katunayan, tinatapos nito ang mga ginagawang military air bases sa mga isla sa South China Sea, patuloy na tinatakot at pinipigilan ang mga Pilipinong mangisda kahit sa ating mga teritoryo, at patuloy pa rin ang paggalugad ng mga yamang-dagat at langis na dapat sana ay ang bansa natin ang nakikinabang. Isang taon na ang nakalipas ngunit patuloy pa rin ang paglabag ng China sa soberanyang karapatan ng mga Pilipino sa nasabing karagatan. Patuloy pa rin ang pag-angkin nito sa EEZ ng Pilipinas. Kaya nga marami pa ring Pilipino ang ipinaglalaban ang karapatan natin sa mga teritoryong ito.
Sinasalamin ng desisyon ng UN Tribunal ang tinatawag ni Pope John XXIII na “special function of universal authority” na sumasaklaw sa mga bansa. Nakikita ng Santa Iglesia ang pangangailangan para sa ganitong awtoridad na lampas sa mga indibidwal na mga bansa upang hanapan ng tugon ang mga problemang pang-ekonomiya, panlipunan, pulitikal, at kultural na nakaaapekto sa kabutihan ng lahat. Ngunit hindi ito dapat gamitin upang panghimasukan ang awtoridad ng mga indibidwal na estado. Layunin ng pandaigdigang awtoridad na tiyaking nagagawa ng mga bansa at mga mamamayan nito ang kanilang mga gawain, gampanan ang kanilang mga tungkulin, at mapangalagaan ang kanilang mga karapatan.
Nakalulungkot isipin, mga Kapanalig, na batay sa mga naririnig natin sa ating mga pinuno, tila ba isinasantabi na ng Pilipinas ang tagumpay nito sa UN Tribunal sa ngalan ng mga ipinangakong tulong o pautang ng China (na hindi pa rin naidedetalye hanggang sa ngayon). Minsan nang sinabi ni Pangulong Duterte na mahirap daw kalabanin ang China, kaya imbis na makipag-away, pagandahin na lang daw ang relasyon ng dalawa. Paano na ang panalong nakamit natin gamit ang pangangatwiran at sa pamamagitan ng mapayapang paraan? Bantayan natin kung ang pagpapabuti ng relasyon sa pagitan ng Pilipinas at China ay para sa tunay nating soberenya at kapakanan ng mga Pilipino o mauuwi lamang sa walang kalaban-labang pagtiklop sa isang malaki at nananakot na bansa.
Sumainyo ang katotohanan.