460 total views
Pinangunahan ng Archdiocese of Lipa ang pakikiisa ng Asya sa kampanyang “Breakfree from Fossil Fuels 2016” kung saan umabot sa 10,000 mamamayan ang nakibahagi sa programa ng “Piglas Batangas Piglas Pilipinas breakfree from fossil fuel”.
Ilan sa mga kalahok ay nagmula pa sa Quezon, Laguna, Rizal, Bulacan, Cavite at Metro manila.
Dahil dito, ipinagmalaki ni Lipa Abp. Ramon Argurlles ang pakikiisa ng libu-libong residente sa hamon ng Santo Papa na maging aktibo sa pangangalaga sa kalikasan.
Paghihikayat ng Arsobispo sa mga nakilahok, pag-ibayuhin ang pananalangin at pangangalaga sa kalikasan sapagkat ang tao ay nilikhang kawangis ng Panginoon, upang tulad ng Diyos ay itaguyod nito ang san nilikha.
“Ang mga tao nilikhang kawangis ng Diyos upang katulad ng Diyos itaguyod natin ang makabubuti sa ating kapaligiran. Kapag tayo’y malupit sa kapaligiran, sa bandang huli, ang buhay ng tao nanganganib.” Pahayag ng Arsobispo.
Naniniwala rin si Abp. Arguelles na ang usapin ng pagkasira ng kalikasan ay isang moral issue na dapat buong pusong paglabanan ng bawat taong inatasan ng Diyos na mangalaga sa mundo.
“Binigyan tayo ng ating mga magulangng magandang kalikasan, kailangan ipagpatuloy natin yan at ito’y dapat maging isyu hindi lamang political, ito talaga ay isyung moral, sapagkat ang nasisira ay ang magandang kalikasan para sa tao na nilikha ng Panginoong Diyos.” Pahayag ni Abp. Arguelles.
Kaugnay dito, sa pamamagitan ng malawakang pagkilos ng mamamayan sa Piglas Batangas Piglas Pilipinas, umaasa ang bawat isa sa Batangas na mapipigilan nito ang karagdagang 600MW Coal plant na nakatakdang itayo ng JGSummit Holdings sa Pinamucan, Ibaba, Batangas City. Samantala, ang International Campaign na Breakfree from Fossil fuels ay nakatakdang susunod na isagawa sa Indonesia, Nigeria, Brazil, United States, Germany at Australia hanggang sa ika-15 ng Mayo.