22,938 total views
Limang reporma sa proseso ng pagpapasa at pagpapatupad ng taunang pambansang budget para sa susunod na taon ang ipapatupad ng Mababang Kapulungan upang matiyak ang transparency sa pagkakagastusan ng pondo ng bayan.
Ito ang inihayag ni House Speaker Martin Romualdez sa ginanap na turnover ceremony ng National Expenditure Program (NEP)—na nagkakahalaga ng P6.793 trilyong panukalang budget ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa 2026—na isinagawa ng Department of Budget and Management (DBM) sa pangunguna ni Secretary Amenah Pangandaman.
“A budget is not just a spending plan—it is a mirror of our priorities and a measure of our accountability to the people. And because this is the people’s money, the process of crafting it must be transparent, inclusive, and worthy of public trust,” ani Speaker Romualdez.
Kabilang sa limang repormang ipatutupad ng Kamara ang mga sumusunod:
1. Pag-alis ng “small committee” na dati’y binubuo matapos maaprubahan ang budget upang magtipon ng institutional amendments.
2. Pagbubukas sa publiko at media ng House-Senate conference para pagtugmain ang kani-kanilang bersyon ng budget.
3. Pag-imbita sa civil society, people’s organizations, at pribadong sektor upang makibahagi sa budget hearings.
4. Pagpapalakas sa oversight function ng Kamara sa pagpapatupad ng budget, kabilang ang obligadong agarang ulat mula sa mga ahensya at real-time tracking ng malalaking proyekto.
5. Pagbibigay-prayoridad sa mga pamumuhunang tunay na nagpapabago ng buhay gaya ng agrikultura para sa food security, imprastruktura para sa konektibidad at trabaho, edukasyon para sa oportunidad, kalusugan para sa lahat, at depensa at kahandaan sa sakuna para sa pambansang seguridad.
Binanggit ng pinuno ng Kamara na ang mga reporma ay hindi layuning pabagalin ang proseso, kundi upang gawing mas maayos, mas matatag, at mas mapagkakatiwalaan.
Sinabi rin niya na ang turnover ng NEP mula sa Ehekutibo papuntang Kongreso ay hindi lamang pormalidad Kundi ay unang hakbang para gabayan kung paano pagsisilbihan ng gobyerno ang mga Pilipino sa susunod na taon.




