4,454 total views
Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Epsicopal Commission on Social Action, Justice and Peace (CBCP-ECSA-JP)/Caritas Philippines ng mas matatag at sama-samang pagkilos para sa pagtatanggol sa karapatang pantao kasabay ng pagdiriwang ng Human Rights Day at ng ika-77 anibersaryo ng Universal Declaration of Human Rights.
Iginiit ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, chairman ng CBCP-ECSA-JP at pangulo ng Caritas Philippines, na tungkulin ng pamahalaan, simbahan, at mamamayan na pangalagaan ang karapatan at dignidad ng bawat tao at ng buong sangnilikha, mula sa pagkondena patungo sa konkretong pagkilos para sa katarungan.
“It challenges us to recognize the inherent rights of all God’s creation. Such rights provide us with the free will of conscience and discernment, enabling us to move beyond denouncing injustices toward acting for accountability and transparency in upholding dignity and equality for all people,” pahayag ni Bishop Alminaza.
Binanggit ni Bishop Alminaza ang patuloy na paglabag sa dignidad ng tao na nakikita sa kahirapan, gutom, kawalan ng trabaho, malnutrisyon, at lumalawak na agwat ng mayaman at mahirap—na higit na pinalalala ng extra-judicial killings, ilegal na pag-aresto, red-tagging, at pang-aabuso sa kapangyarihan.
Kinondena rin ng obispo ang malawakang korupsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagdulot ng substandard o hindi natapos na mga proyekto, na humantong sa pagkasira ng kabuhayan at pagkawala ng buhay.
“Corruption kills and violates human rights. Human Rights is indeed in our everyday life, and we demand accountability,” giit ni Bishop Alminaza.
Binigyang-diin ni Bishop Alminaza ang mga senyales ng pag-asa, kabilang ang lumalawak na pakikilahok ng mamamayan sa mga pagkilos para sa pananagutan, pagpapatupad ng human rights programs ng Caritas Philippines sa 30 diyosesis sa tulong ng European Union at Horizont300, at ang patuloy na pagkilala sa mga human rights defenders.
Tinukoy rin ng obispo ang mahahalagang hakbang sa bansa at mundo—tulad ng International Criminal Court (ICC) arrest warrant laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte; imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure; utos ng Korte Suprema na ibalik ang P60 bilyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) trust fund, at mga inisyatiba para sa mas mahigpit na pagbabantay ng proyekto at pagsusulong ng Anti-Dynasty Bill.
“We call for justice—to give to others what is rightfully due. We call for an end to impunity and for transparency and accountability. We call for collective action, which starts from respect for the dignity of every person and awareness that human rights is human dignity that calls for people in the Church to protect and promote justice for every person, every day,” saad ni Bishop Alminaza.
Tiniyak naman ni Bishop Alminaza na mananatiling matatag ang Caritas Philippines sa pagtatanggol sa mga naaapi at iginiit na tungkulin ng Simbahan at sambayanan na pangalagaan ang dignidad at karapatan ng bawat tao, lalo na ngayong Taon ng Hubileo ng Pag-asa.




