15,495 total views
Pormal na binuksan ng Inter-Franciscan Ministers Conference in the Philippines (IFMCP) ang ika-800 anibersaryo ng kamatayan o Transitus ni San Francisco de Asis sa isang makabuluhang pagtitipon sa pamamagitan ng musika at malalim na pagninilay.
Ginanap ito sa Santuario de San Antonio Parish sa Forbes Park, Makati City noong January 20, 2026, tampok ang pagsasapubliko ng official logo ng ikawalong sentenaryo at ang Frate Sole, kung saan nagtanghal ang kilalang Italian pianist and composer, Maestro Mario Mariani.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Fr. Lino Gregorio Redoblado, OFM, Minister Provincial at chairperson ng IFMCP, na ang sentenaryo ay hindi lamang pagdiriwang kundi isang paanyaya sa mas malalim na pagninilay at pagbabagong-loob ng bawat isa.
“These events are not only celebrations, funfairs, and activities. They are invitations to conversion, to renewal, and to living anew the spirit of St. Francis,” pahayag ni Fr. Redoblado.
Pinasalamatan din ni Fr. Redoblado si Italian Ambassador to the Philippines Davide Giglio sa pagbibigay-daan upang maisakatuparan ang konsiyerto, gayundin si Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown sa naging mahalagang papel sa pag-uugnay ng mga institusyon para sa okasyon, na isinabay sa pagdaraos ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Plenary Assembly.
Inilarawan ni Fr. Redoblado ang pagtatanghal ni Mariani bilang isang tunay na handog sa Franciscan family, kung saan binigyang-buhay ng musika ang espiritu ni San Francisco de Asis.
Ayon sa pari, ang pagtatanghal—na binubuo ng live composition habang isinasagawa ang film viewing—ay hindi lamang malikhaing karanasan kundi isang paanyaya sa mas malalim na pagninilay.
Iginiit ni Fr. Redoblado na nananatiling mahalagang tungkulin ng mga mananampalataya ang tumugon sa mga hamong dulot ng mga suliraning panlipunan at pangkalikasan, lalo na ang panawagan na maging tagapamayapa sa isang mundong nahahati ng karahasan, hidwaan, at maling impormasyon.
“St. Francis teaches us that peace is God’s gift, but also our daily task… To love creation today is to defend life, protect the most vulnerable, and live simply and responsibly,” giit ni Fr. Redoblado.
Hinikayat ng pinuno ng mga Franciscano sa Pilipinas ang lahat na gawing konkretong pamumuhay ang diwa ng pananampalataya, na isinasabuhay sa integridad, pakikiisa sa mga mahihirap, at matatag na paninindigan sa gitna ng katiwalian, ang misyong isinabuhay ni San Francisco de Asis.




