21,186 total reads
Hinamon ng isang pari ang mga deboto ng Mahal na Birhen ng Fatima na huwag manatili sa mababaw na pananampalataya kundi higit itong palalimin sa pamamagitan ng pag-aaral, panalangin, pagsisisi at mga konkretong sakripisyo bilang tugon sa mensahe ng Birhen ng Fatima.
Ayon kay Fr. Julius de Sagun, parish priest ng Our Lady of Fatima Parish sa Binakayan, Cavite, mahalagang matutuhan ng mga mananampalataya ang halimbawa nina Lucia, San Francisco at San Jacinta na, bagama’t mga ordinaryong bata, ay naging mga huwaran ng matatag na pananampalataya at spiritual reparation.
“Lagi nating sinasabi, ‘I believe in God,’ pero hanggang doon lang tayo. Wala tayong alam sa pananampalataya; hindi tayo nagpapalalim,” ayon sa panayam ni Fr. de Sagun.
Binigyang-diin ng pari na ang pananampalataya ay hindi basta pagtanggap lamang sa mga bagay na hindi nauunawaan.
Paliwanag nitong dapat gamitin ng mga mananampalataya ang kanilang mga tanong upang higit na pag-aralan at maunawaan ang kanilang pananampalataya.
“Masama po ba ang magtanong tungkol sa Diyos at sa pananampalataya? Hindi po. As long as ang iyong tanong ay magtutulak sa iyo na mag-aral, aralin ang iyong pananampalataya para mas lalo itong lumalim,” ayon pa sa pari.
Aniya, mahalaga ang patuloy na paghuhubog upang maging malalim at tumibay ang pananampalataya at hindi madaling matinag sa harap ng ibang katuruan.
“Salamat sa Diyos, mayroong mga ganitong paghuhubog, conferences, and you are here, upang lumalim, upang umunawa. Dahil ang pagtataya ay dapat may lalim. Hindi tayo oo lang nang oo sa bagay na hindi natin nauunawaan,” saad pa ni Fr. de Sagun.
Sa kanyang panayam sa Diocesan Fatima Conference sa National Shrine of Our Lady of Fatima sa Valenzuela City, sinabi ni Fr. de Sagun na hindi mga eksperto sa teolohiya sina Lucia, Francisco at Jacinta nang pinili sila upang tumanggap ng mensahe ng Fatima.
Layunin ng conference na higit pang palalimin ang pag-unawa ng mga deboto sa mensahe ng Birhen ng Fatima at makatulong sa kanilang espirituwal na paglago.
“Hindi sila mga theologians. Hindi sila miyembro ng mga samahang pangsimbahan, pero God chose them para sila ang bigyan ng mensahe ng Fatima, na hanggang ngayon ay pinanghahawakan at isinasabuhay natin bilang mga deboto ng Mahal na Birhen ng Fatima,” aniya.
Binigyang-diin ng pari na ang tatlong bata ay hindi naging huwaran dahil perpekto sila, kundi dahil natutuhan nilang tumugon sa Diyos nang may pagtitiwala, panalangin, pagmamahal at sakripisyo.
Aniya, isa sa mga mahalagang aral mula sa tatlong bata ay ang paghahanda sa bawat pakikipagtagpo kay Hesus, lalo na sa Banal na Misa
Ipinaliwanag din ni Fr. de Sagun na ang spiritual reparation ay nangangahulugan ng pagtugon sa pinsalang dulot ng kasalanan sa relasyon ng tao sa Diyos.
Hinikayat ng pari ang mga deboto na isabuhay ang mensahe ng Fatima sa pamamagitan ng maliliit ngunit kusang-loob na mga sakripisyo.
“Little acts of sacrifice. Ano ’yung mga maliliit na bagay na kaya nating gawin para maipakita natin din ang ating pagmamahal sa Diyos?” aniya.
Binigyang-diin din niya na ang pagsisisi sa kasalanan ay dapat maging tunay na tugon sa pagmamahal ng Diyos at hindi lamang bunga ng takot sa parusa.
Hinamon ng pari ang mga deboto na ipalaganap ang mensahe ng Fatima sa kanilang pamilya, parokya at pang-araw-araw na buhay.
“That trust, that faith, that hope, ’yan sana ang mayroon tayo… lahat sana ng ating ginagawa ay bunga ng pag-ibig sa Diyos,” giit ni Fr. de Sagun.
Ang Diocesan Fatima Conference ay ginanap noong September 13 sa National Shrine of Our Lady of Fatima sa Valenzuela City, kasabay ng paggunita sa ika-109 anibersaryo ng ikalimang aparisyon ng Mahal na Birhen ng Fatima.




