65,893 total views
Mga Kapanalig, ang mga isisilang simula ngayong 2025 hanggang 2039 ay kabilang na sa bagong henerasyon na kung tawagin ay Generation Beta.
Sinusundan nila ang mga Gen Alpha na ngayon ay edad 15 pababa (o mga ipinanganak umpisa 2010) at ang mga Gen Z na nasa pagitan ng 16 at 30 taong gulang (o mga ipinanganak umpisa 1995). Ang Gen Z ay sinusundan ng Millennials, Gen X, Baby Boomers, at Silent Generation. Ang mga Gen Beta ay anak na ng mga mas batang Millennials at Gen Z. Ang isang henerasyon ay binubuo ng mga ipinanganak sa loob ng 15 hanggang 20 taon.
Ayon sa McGrindle, isang social research group sa Australia, ang mga Gen Beta ay lalakí sa isang post-pandemic world na may matinding impluwensya ng artificial intelligence (o AI). Mabubuhay sila sa mundong maituturing na “seamless” o walang malinaw na hangganan ang digital at physical world. Ibig sabihin, para sa kanila, iisa ang mundong virtual at ang mga nangyayari sa labas nito. Lalakí silang ang mga makabagong teknolohiya katulad ng AI ay bahagi ng kanilang buhay—mula sa healthcare at education hanggang sa media. Ipinanganak ang kanilang mga magulang sa pag-usbong ng mga teknolohiyang ito, pero sila ang mas maaapektuhan ng mga ito. Dagdag pa ng McGrindle, 36% ng mga magulang na Gen Z at 30% ng mga magulang na Millennials ang sumasang-ayong dapat limitado ang screen time ng kanilang mga anak.
Ang mundo ng mga Gen Beta ay hahamunin ng iba’t ibang isyung panlipunan, katulad ng krisis sa klima at mas mabilis na urbanisasyon. Ayon sa Pew Research Center, 71% ng Millennials at 67% ng Gen Z ang naniniwalang dapat prayoridad natin ang pagtugon sa climate change upang isalba ang naghihingalong mundo na daratnan ng mga susunod na henerasyon.
Mahalaga at makatutulong ang mga kaalamang ito tungkol sa mga henerasyon para maunawaan ang mga pananaw at kalagayang kinalakihan ng o humubog sa mga miyembro ng bawat henerasyon. Gayunpaman, hindi ibig sabihing ikakahon natin ang mga tao sa mga katangiang ikinakabit sa kanilang henerasyon. Sa halip, maaaring magsilbing gabay ang mga kaalamang ito upang makatukoy tayo ng mga sama-samang hakbang para makabuo ng mas makatarungang mundo.
Ipinaaalala ng mga panlipunang turo ng Simbahan na kailangan nating baguhin ang mga ugnayan ng ating interdependence o pagtutulungan upang maging mas tunay ang ating pagkakaisa. Hinihimok tayo ng ating pananampalatayang makiisa, anuman ang kinapapalooban nating henerasyon, upang sama-samang tumugon sa mga suliranin ng mundo.
Para sa ating Simbahan, malinaw ang koneksyon ng pagkakaisa o solidarity at kabutihang panlahat o common good. Binibigyang-diin ng pagkakaisa ang hindi matatanggal na ugnayan ng mga tao o grupo sa isa’t isa. Pinahahalagahan nito ang malayang pag-aambag at pakikilahok ng bawat tao o grupo sa ating paglago, batay sa kanilang mga kakayahan at karanasan. Bawat tao o grupo ay may maiaambag sa pagkamit natin ng kabutihang panlahat.
Sa ganitong paraan, mahalaga ang pagkakaisa ng mga henerasyon upang sama-samang harapin ang ating mga suliranin. May mga aral ba mula sa karanasan ng mas matatandang henerasyon? Paano magagamit ang mga makabagong teknolohiyang mas gamay ng mga nakababatang henerasyon para solusyunan ang mga isyung panlipunan? Sa anu-anong mga pangarap nagkakapare-pareho ang mga henerasyon at maaaring pagtulung-tulungang makamit?
Mga Kapanalig, bilang bahagi ng patuloy na pagsasagawa ng synodality, mahalagang pagnilayan at pag-usapan ang mga tanong na ito sa ating mga pamilya at parokya. Katulad ng sinasabi sa Pedro 4:9-10, patuluyin natin sa ating kalooban at paglingkuran ang isa’t isa. Kasabay din ng pagpapalakas natin ng pag-asa ngayong Jubilee Year, nawa’y makita natin ang pag-asa sa isa’t isa, anuman ang ating henerasyon.
Sumainyo ang katotohanan.