763 total views
Mga Kapanalig, bumaba na ba ang presyo ng sibuyas sa inyong lugar?
Tumaas ng halos apat na beses ang presyo ng sibuyas sa bansa nitong nakalipas na apat na buwan. Sa ilang pamilihan noong Pasko, umabot pa ng 700 piso ang isang kilo ng sibuyas, isa sa pinakamataas na presyo ng sibuyas na naitala sa buong mundo.1 Sa katunayan, ayon sa datos ng Global Product Prices, ang average na presyo ng kilo ng sibuyas sa 89 na bansa ay 1.54 dollar o 84 na piso lamang.2
Noong isang linggo, nag-umpisa na ang importation o pag-aangkat ng mga sibuyas matapos itong aprubahan ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. Inaasahan ang pagpasok sa bansa ng mahigit 21,000 tonelada ng sibuyas hanggang Enero 27. Paliwanag ng Department of Agriculture, maibababa ng karagdagang supply ng sibuyas ang presyo nito sa bansa. Sakto lamang din daw ang pagpasok ng mga iaangkat na sibuyas sa peak season ng anihan ng mga lokal na magsasaka ng sibuyas.3
Ngunit para sa ilang senador, huli na ang desisyong ito. Bagamat makatutulong ito sa mga mamimili, maaari itong makasama sa mga magsasakang posibleng malugi sa dami ng imported na sibuyas sa merkado. Ibig sabihin, mapipilitan ang mga magsasakang ibenta sa mas mababang halaga ang kanilang mga produkto. Ayon kay Senador Koko Pimentel, tila hinayaan ng gobyernong kumita ang mga hoarders, illegal importers, at price fixers noong Kapaskuhan kung kailan napilitan ang mga Pilipinong bumili ng sibuyas kahit mahal para lamang makapaghanda para sa okasyon. At ngayon, dagdag pa ng mambabatas, kakagatin naman natin ang patibong ng importasyong lubhang maglulubog sa mga lokal na magsasaka ng sibuyas sa kahirapan.4
Para naman sa ekonomistang si Leonardo Lanzona, bagamat makikinabang sa importasyon ng sibuyas ang mga mamimili kapalit ng pagkalugi ng mga lokal na magsasaka ng sibuyas,
maituturing itong panandaliang solusyon lamang. Mungkahi ni Sonny Africa, direktor ng IBON Foundation, ang mainam na solusyon para sa kapwa mamimili at magsasaka ng sibuyas ay ang paghuli sa mga mapanlamang na traders upang matigil ang hoarding at pagmamanipula sa presyo. Dapat ding palakasin ang suporta sa mga lokal na magsasaka katulad ng pagbibigay ng libreng gamot at abono para sa kanilang mga pananim upang mapalakas ang kanilang produksyon.5
Binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simabhan ang mahalagang papel ng pamamahala sa pagtataguyod sa dignidad ng tao at kabutihang panlahat. Ang kagalingan ng tao ay ang pundasyon ng pagkakaroon natin ng pulitika.6 Instrumento ang pamahalaan sa pagsigurong nasa tamang direksyon ng kaunlaran ang bawat sektor ng lipunan at patungo ang bawat isa sa kanyang paglago. Kaugnay nito, itinuturo din ng ating Simbahan ang kahalagahan ng pagkiling sa mga dukha, katulad ng mga magsasaka, lalo na sa pagbubuo at pagpapatupad ng mga patakaran at programa ng pamahalaan. Ang pagkiling sa mga dukha ay ang prinsipyong pundasyon sa hangarin ng Simbahang labanan ang kahirapan.7 Samakatuwid, hindi ganap ang kaunlaran hangga’t maraming mahihirap.
Ang sibuyas ay isa lamang sa mga pangunahing sangkap ng pagkaing Pilipino. Labis-labis ang hirap na idinulot ng paglobo ng presyo nito sa maraming mamimili. Gayunpaman, ang pagtulong sa mga mamimili ay hindi dapat makapipinsala sa kabuhayan ng mga magsasaka. Kailangan ang makatarungan, pangmatagalan, at epektibong mga patakarang tutugon sa pangangailangan ng mga lokal na magsasaka habang pinananatiling abot-kaya ang presyo ng kanilang mga aning dumarating sa mga pamilihan.
Mga Kapanalig, katulad ng paalala sa Mga Kawikaan 22:22-23, “Huwag kang magnanakaw sa mga dukha… sapagkat ipagtatanggol sila ng Panginoon.” Bilang mga tagasunod ni Hesus, tumindig tayo para sa kabutihan ng mga dukha. Manawagan tayo sa pamahalaan ng mga patakarang naglalayon ng kaunlarang pakikinabangan ng lahat.
Sumainyo ang katotohanan.