19,689 total views
Nilinaw ng Apostolic Vicariate of Calapan, na hindi ito tutol sa lehitimong river restoration o dredging, basta’t ito’y isinasagawa nang may malinaw na pamantayan, pangangalaga sa kalikasan, at alinsunod sa detalyado at siyentipikong Flood Management Plan.
Sa inilabas na rejoinder nitong August 20, 2025, iginiit ni Bishop Moises Cuevas na mali ang pagkakaunawang lumabas sa ilang balita at social media posts na ang simbahan ay lubos na tutol sa dredging.
Ayon sa obispo, ang pagtutol ng bikaryato ay nakatuon laban sa malakihang commercial dredging na nagtatago sa anyo ng sand mining operation, dahil nagdudulot ito ng pinsala sa kapaligiran at kabuhayan ng mga mamamayan.
“Our opposition is not against river restoration per se, it is against projects that put profit before people and the environment. It should be clear that we support, in consideration of our flood-prone communities, the legitimate, well-planned, clear, and environmentally responsible river restoration initiatives to address flooding in the province of Oriental Mindoro,” pahayag ni Bishop Cuevas.
Dagdag pa ni Bishop Cuevas, dapat ang anumang dredging project ay hindi ginagamit para sa komersiyal na pakinabang; dapat itong sumunod sa mahigpit na environmental safeguards, isailalim sa transparent public monitoring, at nakabatay sa detalyadong Flood Master Plan na may tamang engineering design at flood control methods.
Gayunpaman, binalaan ng obispo ang publiko laban sa pagsasagawa ng dredging nang walang kaukulang flood control measures, dahil maaari itong magdulot ng mas matinding pagbaha sa harap ng lumalalang pagbabago ng klima at mas malalakas na bagyo.
Nanawagan naman ng bikaryato para sa pagkakaisa, makatotohanang dayalogo, at tamang pagpapasya upang hindi manaig ang mali at hindi kumpletong impormasyon, at pagkakawatak-watak dahil sa pulitika.
“We urge everyone, government leaders, scientists, environmental advocates, and ordinary citizens, including us in the Church, to find common ground and work toward flood control solutions that are environmentally sustainable, socially fair, and truly responsive to our people’s needs,” ayon kay Bishop Cuevas.
Dalangin ni Bishop Cuevas ang karunungan at pagkakaisa upang ang mga magiging desisyon ay tunay na mangangalaga sa buhay, kalikasan, at ikakabuti ng lahat.
“May this clarification shed light and foster unity, so that together we may protect our fragile eecosystems and ensure the resiliency and well-being of our people, particularly the flood-prone communities in our province,” saad ng obispo.