296 total views
June 24, 2020, 9:55AM
Ikinatuwa ng Arkidiyosesis ng Cagayan de Oro ang pagkakatalaga ng bagong pinunong pastol na mamahala sa kawan ng Diyos sa naturang lugar.
Ayon kay Cagayan de Oro Archbishop Emeritus Antonio Ledesma, hindi na bago kay Malaybalay Bishop Jose Cabantan ang lugar sapagkat matagal din itong nagsilbi matapos ma-ordinang pari noong 1990 kaya’t kilala na nito ang mga kasamahang pari maging ang mga mananampalataya sa Archdiocese.
“The local church is glad to have him back; Archbishop Cabantan comes from the archdiocese of Cagayan De Oro and already knows most of the clergy and many lay leaders,” pahayag ni Archbishop Ledesma sa Radio Veritas.
Matatandaang ika – 23 ng Hunyo 2020 nang itinalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco si Bishop Cabantan bilang kahalili ni Archbishop Ledesma.
Inanunsyo ito ng Vatican ganap na alas dose ng tanghali sa Roma habang alas sais ng gabi naman oras sa Pilipinas.
Si Bishop Cabantan ay tubong Lagonglong, Misamis Oriental at nagtapos sa kursong Chemical Engineering sa Cebu Institute of Technology bago pumasok sa St. John Vianney Theological Seminary sa Cagayan de Oro.
Ilan sa mga naging misyon ni Bishop Cabantan bago italang obispo ng Malaybalay noong 2010 ay ang pagiging parochial vicar ng St. Augustine Metropolitan Cathedral ng Cagayan de Oro, naging Dean of Studies ng San Jose de Mindanao Seminary, Director ng San Jose Seminary sa Quezon City, formator sa St.John Vianney Theological Seminary sa Cagayan de Oro, at kura paroko ng Medalla Milagrosa parish.
Sa kasalukuyan ay pinamumunuan ni Bishop Cabantan ang Commitee on Basic Ecclessial Communities ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Samantala tiniyak naman ni Archbishop Ledesma ang buong suporta kay Archbishop-elect Cabantan na mamamahala sa mahigit isang milyong mananampalataya ng arkidiyosesis katuwang ang halos 200 mga pari na nangasiwa sa higit 60 mga parokya.