219 total views
Nagpadala na ng inisyal na tulong pinansyal ang Archdiocese of Manila sa Prelatura ng Batanes na matinding naapektuhan ng bagyong Ferdie.
Ayon kay Rev. Fr. Ricardo “Ric” Valencia, priest in charge ng Caritas Damayan Program ng Caritas Manila, nagbigay na ng dalawang daang libong piso ang Quaipo Church na kinumpirma ng kanilang kura – paroko na si Msgr. Ding Coronel.
Agaran aniya silang tumugon sa naging panawagan ng Kanyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle sa pangangailangan ng mga apektadong lugar sa Hilagang Luzon na sinalanta ng bagyo.
“Ang Quiapo Church ay nagbigay na po kaagad ng Php 200, 000 according sa parish priest. So nung kasagsagan ng bagyo at ng makakuha kami ng information mula kay bishop kaagad din ho namin sinabi kay Cardinal,” bahagi ng pahayag ni Fr. Valencia sa panayam ng Veritas Patrol.
Tiniyak ni Father Valencia na daragdagan pa nila ang pinansyal na tulong sa Batanes matapos mailahad ni Bishop Camillo Gregorio ang pangunahing pangangailangan nang kanilang prelature lalo na sa pagpapa– ayos ng kanilang Katedral at kumbento na sinira ng bagyong Ferdie.
Aminado si Father Valencia na hindi na sila makapaghahatid ng relief goods sa Batanes dahil sa mahal na singil sa transportasyon patungo sa island province.
“Patungkol sa Batanes malamang hindi po tayo makapagpadala ng relief goods dahil ang pagpapadala doon ay magastos pa kesa sa dadalhin natin na mga pangangailangan nila doon mas madali po siguro ang pagpapadala ng pera sa kanila kase meron naman mabibili doon at may pamamaraan sila doon para mas mura kesa sa tayo ang magdala,” giit pa ni Fr. Valencia sa Radyo Veritas.
Sa datos ng National Statistic Office, ang Batanes ay mayroong mahigit sa 17-libong populasyon.