409 total views
Humiling ng panalangin ang Arkidiyosesis ng Cebu sa agarang paggaling ni Archbishop Jose Palma makaraang magpositibo sa COVID-19.
“The Archdiocese of Cebu wishes to inform the faithful that Archbishop Jose S. Palma tested positive for COVID last night; Let us all pray for his steady and speedy recovery,” bahagi ng anunsyo ng arkidiyosesis.
Sa panayam ng Radio Veritas kinumpirma ni Msgr. Joseph Tan, tagapagsalita ng arkidiyosesis, na nakaranas ng mild sypmtoms ng COVID-19 si Archbishop Palma at kasalukuyang nagpapagaling sa Perpetual Succour Hospital.
Ipinaalam na rin ng arkidiyosesis sa mga naging close contact ng arsobispo ang sitwasyon bilang bahagi ng contact tracing at mapigilan ang pagkalat ng virus.
Matatandaang noong Enero ay naospital si Archbishop Palma dahil sa ubo at sipon subalit nagnegatibo ito sa isinagawang swab test.
Abala ang arsobispo sa puspusang paghahanda ng arkidiyosesis sa mga gawain sa paggunita ng 500 Years of Christianity kung saan sa Abril 14 ay gugunitain ang kauna-unahang binyag sa bansa na naganap noong Abril 1521.
Bukod kay Archbishop Palma anim na obispo pa sa bansa ang nahawaan ng coronavirus kabilang na sina Cardinal Luis Antonio Tagle, Bishop Broderick Pabillo, Bishop David William Antonio, Bishop Deogracias Iñiguez habang nasawi naman sina Archbishop Oscar Cruz at Bishop Manuel Sobreviñas.
Sa monitoring naman ng Department of Health mahigit na sa kalahating milyon ang bilang ng mga nahawaan ng COVID-19 sa bansa kung saan mas marami ang naitalang gumaling habang dalawang porsyento naman ang nasawi.