105,087 total views
Ang arkitektura at kultura, kapanalig, ay parang mga hibla ng tela – nakahabi, magkaugnay, at bumubuo ng napakagandang masterpiece o obra. Dito nakikita natin ating pagkakakilanlan o identity at kasaysayan. Ipinakikita nito ang iba ibang yugto ng ating buhay.
Halimbawa na lamang, kapanalig, ay ang bahay kubo. Isang tingin lamang, alam mo na ito ay Filipino. Nagpapa-alala ito ng ating nakaraan sa nayon na simple lang, at gamit ang mga natural na resources o yaman mula sa kapaligiran. May mga gumagamit din ng mga bahay na bato, lalo pa’t sa mga lugar na malamig at dayuhin ng bagyo.
Pagdating ng mga kastila, ang arkitektura ng bayan ay dahan dahang nagbago. Makikita ang kanilang colonial influences hindi lamang sa ating mga tirahan, kundi sa ating mga simbahan at gusali. Marami sa mga paaralan, pati mga ospital ay kadalasan katabi o malapit lamang sa mga simbahan. Sa pagdating naman ng mga Amerikano, nakita natin ang mas maraming mga gusali para sa mga ahensya ng pamahalaan.
Sa pagdaan ng panahon, kasama na ang mga giyera gaya ng World War 1 at 2, naging eclectic ang style ng mga gusali, at marami dito, naka-concentrate sa Manila, gaya ng mga building sa Escolta at kalapit lugar. Marami na ring mga arkitekto ang umusbong at ginawang mas Filipinized ang mga buildings ng bayan gaya ni Leandro Locsin, Juan Nakpil, at Francisco Manosa at iba pa. Marami sa atin hindi kilala ang mga arkitektong gaya nila, pati na ang importansya ng arkitektura sa bayan, kaya marami ng mga gusali ang dinemolish sa halip na i-restore, kahit na sila ay mga obra ng mga the greatest of all time o GOAT architects natin.
Kapanalig, dapat ang bawat Pilipino ay may alam at kayang ipaglaban ang ating architectural heritage. Napakadali para sa ating henerasyon ang sirain ang mga obra ng ating mga kilalang arkitekto. Hindi natin nakikita ang importansya nito. Kaya nga’t hindi nakakapagtaka na hanggang ngayon, tayong mga Filipino, hindi na-a-appreciate o nabibigyang halaga ang mga arkitekto rin ng ating panahon, at ng kahalagahan nila sa buhay ng ating bansa. Kay nga’t ganito siguro ang itsura na ng ating urban spaces ngayon – urban jungle talaga at halos walang ugnayan sa kalikasan at kapaligiran. Ang tunay na arkitekto kapanalig, gaya ng ating mga maestro ng nagdaang panahon, ay inaayon sa unique circumstances at surroundings ang kanilang mga obra. Isang halimbawa ay ang Parish of the Holy Sacrifice sa UP Diliman, na obra ni Leandro Locsin.
Kapanalig, ang pagpapahalaga sa yaman ng bayan, gaya ng arkitektura at kultura ay isang napakahalagang common good. Ito ay ang pagkakakilanlan o identity. Ito ay napaka-precious na biyaya mula sa Diyos at nagpapakita kung paano niya ginagawang instrumento ang mga tao upang lumikha ng mga obra na nagtuturo sa kanyang kadakilaan. Nakakalungkot lamang at tayong mga Filipino, bato lamang ang tingin sa kanila na maaaring patumbahin, sirain, at gibain, gaya na rin ng ating pagsira sa kalikasang inalay sa atin. Sana, sa inyong paglalakbay ngayon, makita niyo ng may bagong perspektibo ang mga obra sa paligid natin, gaya ng mga arkitektura ng bayan natin. Ito ay ating common good, na ayon nga nga sa Deus Caritas Est ay the good of “all of us”, a good that is sought not for its own sake, but for the people who belong to the social community and who can only really and effectively pursue their good within it.
Sumainyo ang Katotohanan.