4,310 total views
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lalagdaan niya ang panukalang batas na magpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE.
Ayon sa Pangulo, kailangang ituon muna ng pamahalaan at ng Commission on Elections ang kanilang atensyon sa kauna-unahang halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
“No, I’ll sign it. Ill sign it. Because we are facing one of the biggest elements here—we just finished a major election, the midterm election, next will be BARMM. Now we’re adding the barangay elections as well. It’s too much—actually, it’s the Comelec saying, “We can’t handle it,” pahayag ni Pangulong Marcos sa press conference sa Philippine media delegation sa India nitong Agosto 8.
Ang BARMM election ay nakatakdang ganapin sa Oktubre at ang kauna-uhang parliamentary election sa rehiyon na direktang ihahalal ng mga mamamayan.
Sa halip na hayaan itong mag-lapse into law sa Agosto 14, personal na lalagdaan ng Pangulo ang panukalang batas bilang pagsuporta sa rekomendasyon ng Comelec na hindi kayaning pagsabayin ang paghahanda para sa midterm elections, BARMM elections, at BSKE.
Matatandaan na noong Hunyo, niratipikahan ng Senado at Kamara ang bicameral conference committee report na nagpapalawig sa termino ng mga barangay at SK officials mula tatlong taon tungo sa apat na taon.
Nakasaad din sa panukala na ang halalan, na orihinal na itinakda sa Disyembre 1, 2025, ay ililipat sa unang Lunes ng Nobyembre 2026.