479 total views
Nagpasalamat si Bayombong Bishop Elmer Mangalinao sa lahat ng sumuporta at nanalangin para sa kanyang agarang paggaling makaraang atakihin sa puso sa Estados Unidos.
Sa video message ng obispo kay Joel Mangalinao na isinapubliko ng Diocese of Bayombong, labis ang pasasalamat ng obispo sa mananampalataya at ibinahaging makalalabas na rin ito sa pagamutan makaraan ang 23 araw.
“Thank you for all your prayers, your intentions, for your financial assistance, for your love, for your care and for your sacrifices,” bahagi ng mensahe ni Bishop Mangalinao.
Patuloy pa ring magpapagaling ang obispo at babantayan ang kalusugan matapos ang operasyon sa pagtanggal ng bara sa arteries.
Nitong Agosto nang isugod sa pagamutan sa Amerika si Bishop Mangalinao makaraang makararanas ng hirap sa paghinga.
Kasalukuyang nasa Estados Unidos ang obispo para sa mission appeal at iba pang mahahalagang gawain para sa mga programa at proyekto ng diyosesis.
Si Bishop Mangalinao ay itinalagang obispo sa Diocese of Bayombong noong 2018 at kasalukuyang pinangangasiwaan ang tanggapan ng Commission on Catechesis and Catholic Education ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.