243,543 total views
Uso pa ba ang pagbabasa ng libro ngayon, kapanalig? O mas uso pa ang magcellphone maghapon?
May survey noong 2017 na nagsasabi na marami pa rin namang mga kabataan, pati mga adults sa ating bansa na nagbabasa pa rin. Ayon sa survey, kada buwan, mga mahigit walong oras ang ginugugol ng mga bata sa pagbasa ng printed books, habang ang mga adults, nasa mga mahigit siyam na oras. Nagbabasa rin sila ng mga e-books. Mga 14 hours kada buwan ang ginugugol ng kabataan para dito, habang mga halos 12 hours ang mga adults. Kadalasan, ang mga magulang ang dahilan kung bakit ang mga bata ay nahihilig sa pagbabasa.
Magandang balita, ito, hindi ba, at magandang entry-point upang mas dumami pa ang mga book readers sa ating bansa. Maganda itong alternatibo kaysa maghapong social media.
Pero kapanalig, marami man ang bumabasa pa rin sa atin, halos hindi naman nadagdagan ang bilang nila, at hindi rin humahaba ang oras ng kanilang pagbasa. May malaki kasing hadlang bakit hindi na dumadami pa ang book readers sa atin – ito ay ang presyo.
Napakamahal ng libro sa ating bayan, kapanalig. Hindi ka makakabili ng obra o classic sa murang halaga. Ayon nga sa survey, hanggang 199 lamang ang nais gastusin ng mga readers natin para sa libro. Mahal na nga rin ito kapanalig, lalo na kung ibabawas mo ito sa daily minimum wage – ikatlo o one-third agad ang mawawala. Mas nanaisin pa ng iba na bumili ng bigas, o di kaya ng data.
Ang libro, kapanalig, ay nagiging luxury item na rin para sa marami nating mga kababayan. Textbooks na lamang mula sa paaralang pampubliko ang binabasa ng marami, at hindi ito madagdagan pa. Mahal na ang bumili ng libro mula sa sariling bulsa. Hindi na ito praktikal pa. Mas mura pa nga ang streaming TV subscription per month kumpara sa ibang mga libro.
Liban sa mahal na presyo, ang mga libro ay available lamang sa mga mamahaling book stores sa loob ng malls kung saan madalang makapasok ang maraming mga Pilipinong maralita. Nai-intimidate sila pumasok dito dahil halatang hindi sila ang market. Pangmayaman talaga ang aura o ambiance ng mga ito, bagay na hadlang sa mga Pilipinong maralita.
Kapanalig, kung nais nating dumami pa ang nagbabasa at tumaas ang reading comprehension natin, gawin nating accessible ang libro sa ating mga kababayan. Magtatag tayo ng mas maraming mga public at community libraries na maaaring puntahan ng ating mga kababayan. Kung pwede nga, lahat sana ng ating mga parke at green spaces ay libraries, kahit maliit lamang. Ito ay isang uri ng panlipunang katarungan o social justice, kapanalig kung saan hindi natin nililimita ang kaalaman sa mga tao na kaya lamang itong mabili, bagkus binabahagi pa natin ito sa mas nakakarami. Sa ganitong paraan, pinaliit natin ang gap o puwang sa pagitan ng mahirap at mayaman dahil ayon sa Gaudium et Spes: Excessive economic and social disparity between individuals and peoples of the one human race is a source of scandal and militates against social justice, equity, human dignity, as well as peace.
Sumainyo ang Katotohanan.