114,172 total views
Mga Kapanalig, para maiwasan nang makulob ang ating mga estudyante sa mainit na silid-aralan tuwing Abril at Mayo, ia-adjust na ng Department of Education (o DepEd) ang darating na school year.
Ang paparating na school year 2024-2025 ay magsisimula sa July 29 ngayong taon at matatapos sa March 31 ng susunod na taon. Kulang ito ng labinlimang araw sa 180 hanggang 220 school days na itinatakda ng batas. Paliwanag ni DepEd Assistant Secretary Francis Bringas, mangangahulugan itong may mga kakayahan o competencies na hindi lubusang masasaklaw sa pag-aaral ng mga ating mga estudyante. May pwede naman daw gawin para maibsan ang tinatawag na learning loss o kabawasan sa matututunan ng mga mag-aaral. Maaaring iksian ang oras na inilalaan para sa ibang aralin.
Ang unti-unting pagbabalik sa nakasanayan na nating school year na mula June hanggang March ay ang solusyon ng gobyerno sa madalas na pagkakansela ng mga klase dahil sa matinding init. Hindi naman kasi lahat ng classrooms natin ay may aircon para komportableng makapag-aral ang mga bata. Sa ibang lugar, hindi pa nga tuluy-tuloy ang kuryente kaya wala ring silbi ang mga electric fan. Wala rin naman tayong kasiguraduhang nakakapag-aral nang maayos ang mga bata sa kanilang bahay sa gitna ng matinding init. Pinakadehado sa ganitong sitwasyon ang mga estudyante mula sa mahihirap na pamilya.
Bagamat “the worst is over” na pagdating sa mainit na temperatura, ayon sa PAG-ASA, inaasahan namang kasunod nito ang matinding pag-ulan. Ilang araw na ngang may mga lugar dito sa Metro Manila na inuulan. Hindi pa nga ganoon katagal ang malalakas na pag-ulan, mabilis naman ang pagbaha sa mga kalsada, at pahirap ito para sa lahat, kabilang ang mga estudyante. Aasahan na rin nating pagsapit ng tag-ulan, gagawing evacuation center na naman ang mga paaralan, at mga estudyante rin ang maaabala.
Hindi lamang Pilipinas ang humaharap sa ganitong problema. Maraming bansa sa Asya ang nakaranas ng matinding init nitong nakalipas na buwan. Malaking banta sa edukasyon ng milyun-milyong bata sa mga kapitbahay natin ang mas mahaba, mas madalas, at mas matinding tag-init. Ang mahihirap na bansang katulad ng Bangladesh ang pinakaapektado nito. May mga pwedeng gawin upang gawing komportable ang pag-aaral ng bata—gaya ng ginawa sa Japan kung saan nilagyan ng aircon ang mga classrooms doon. Pero hindi naman ito kakayanin ng mga bansang katulad ng Pilipinas. Ni hindi nga natin matugunan ang kakulangan sa mga upuan at libro, aircon pa kaya?
Hindi na nga maikakailang napakatindi ng epekto ng climate change sa buhay ng kasalukuyang henerasyon. Ayon nga sa NGO na Save the Children, “The climate crisis is a child crisis.” Nakalulungkot na umabot na tayo sa puntong ito, dahil hinayaan nating magpatuloy ang pag-init ng ating planeta. Ang krisis na ginawa ng mga nakatatanda—dahil sa kagustuhan nilang umunlad, kumita, at guminhawa—ay nakaaapekto na sa mga bata. Sa Catholic social teaching na Laudate Deum, sinabi nga ni Pope Francis na ang mga bata ang mistulang nagbabayad sa pinsalang ibinunga ng mga ginagawa ng nakatatanda. Kaya paano magiging “karangalan ng mga anak… ang kanilang magulang”, gaya ng sinasabi sa Mga Kawikaan 17:6, kung ang mundong ibinibigay natin sa kabataan ay isang mundong mapanganib?
Mga Kapanalig, ang pagbabago sa school year at pagsasaayos ng mga paaralan, kung kaya man ng gobyerno, ay mga panandaliang solusyon lamang. Ang kailangan ay agarang pagpigil sa pag-init ng ating planeta para sa kapakanan ng kabataan. Hindi ito kaya ng isang bansa, kaya dapat nangunguna ang Pilipinas sa pag-udyok sa mga bansang pinakamalaki ang kontribusyon sa climate change na tulungan ang mga bansang pinakaapektado nito—alang-alang sa mga bata.
Sumainyo ang katotohanan.