1,167 total views
Inihahanda na ng House Committee on Agriculture and Food ang committee report sa isinagawang imbestigasyon sa onion cartel na itinuturong dahilan ng pagtaas ng presyo ng sibuyas na umabot sa P500 kada kilo.
Ayon kay committee chairman Representative Wilfrido Mark Enverga, pag-aaralan din kung magkakaroon pa ng karagdagang committee hearing upang mapagtibay ang mga ebidensya laban sa tinaguriang sibuyas queen na si Leah Cruz.
Sa siyam na pagdinig sa kamara, naniniwala si Marikina Representative Stella Quimbo na napatunayan ang paratang kay Cruz bilang hoarder at smuggler sa onion industry.
Dagdag pa ni Quimbo, napatunayan din sa mga pagdinig na nagsisinungaling si Cruz na sa kabila ng pagiging ‘black listed’ ay patuloy na nakakapag-angkat ng sibuyas noong 2022.
“Leah Cruz operates the biggest onion cartel in the country. She does this through an SEC-registered corporation called Philippine VIEVA Corporation, which was established in 2013. This was created at the time when she was first tagged as ‘sibuyas queen’ in a series of news reports in 2012. She is the effective majority owner of the company,” ayon kay Quimbo.
Tiniyak naman ni Enverga at Quimbo ang paglikha ng mga batas tulad ng Competitiveness enhancement act for onion, pagpapataw ng mas mataas na multa at parusa sa mga smuggler/hoarder upang mapangalagaan ang mga mamimili at lokal na mga magsasaka.
Binigyan diin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na ang pagpapataw ng mataas na presyo at pag-iimbak ng labis na produkto nang higit sa nararapat ay pagsasamantala sa kapwa at imoral na gawain.