1,813 total views
Inilunsad ng San Isidro Labrador Parish sa barangay Bagong Silangan Quezon City ang Disaster Preparedness at Response Ministry, kasabay ng ika pitong taong paggunita sa pananalasa ng bagyong Ondoy sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan.
Ayon kay Father Gilbert Billena, kura-paroko ng San Isidro Labrador parish, maraming natutunan ang bawat isa sa sakunang dulot ng bagyong Ondoy kaya patuloy ang bilang bahagi ng programang climate change adaptation.
“Kaya nga itinayo natin sa Parokya itong Disaster Preparedness and Response Center dito sa ating Parokya sa San Isidro Labrador dahil napaka vulnerable ng lugar natin, hindi lang, una sa baha, nandyan yung dam, nandyan yung ilog, tapos kalbo na rin yung kabundukan na nakapaligid, pangalawa ay nasa West Valley at East Valley fault line tayo, so maraming pwedeng gawin para maprotektahan yung mamamayan at kaligtasan ng mga tao,” pahayag ni Fr. Billena sa Radyo Veritas.
Inamin ni Father Billena na hindi pa rin naka-recover ang kanilang komunidad pitong taon nakalipas ang pananalasa ng bagyong Ondoy sa 26 na lalawigan sa bansa.
Sa datos ng Brgy. Bagong Silangan, humigit kumulang 150 ang nasawing residente sa kanilang lugar.
Naiulat naman ng National Disaster Risk Reduction Management Council na umabot sa 464 ang bilang ng mga nasawi, 529 ang mga sugatan at 37 ang nawawala sa hagupit ng bagyo.
Kaugnay dito, hinimok ni Fr. Billena ang kanyang nasasakupang parokya na isabuhay ang Laudato Si ni Pope Francis at paigtingin ang pangangalaga sa kalikasan para sa susunod pang henerasyon.