2,157 total views
Umaapela si Father Rex Arjona – Social Action Center Director ng Diocese of Legaspi sa pamahalaan na bilisan ang pagpapadala ng tulong sa mga evacuees dahil sa patuloy na unstable condition ng bulkang Mayon na nasa alert level 4 na.
Ayon sa pari, nauunawaan nitong umpisa pa lamang ng taon at hindi pa ganoon kaayos ang distribusyon ng pamahalaan sa kanilang pondo.
Gayunman, umaasa si Father Arjona na makikita ng mga nasa katungkulan ang kagyat na pangangailangan ng Diocese of Legaspi at ng mga bayang nasasakupan nito dahil sa tumitinding epekto ng pagsabog ng bulkang Mayon.
“Hinihingi ko sana gawin nating platform para sana marinig ng mga national officials natin. Yung mga parating. Pakibilis-bilisan naman po. With all the checks and balances pero sana naman ma-approve na agad. Kasi pano yan? Otherwise, tayong mga pribado. Yung simbahan, civic groups, private entities. Nagsisimula namang magtulong-tulungan. Together we can help, pero we know naman na may pera ang gobyerno. Para Makita na ito ay urgently needed naman.” Pahayag ng pari sa panayam ng Radyo Veritas.
Samantala, nangangamba rin si Father Arjona sa posibleng epekto sa kalusugan ng pagsabog ng bulkang Mayon.
Ayon sa pari, isa sa inaalala nito ang respiratory diseases na maaaring makuha dahil sa volcanic gas at mga abong inilalabas ng bulkang mayon.
Bukod dito, bunsod ng patuloy na pag-ulan ay nangangamba rin ang pari sa posibilidad na makakuha ang mga taong nasa evacuation centers ng mga sakit mula sa lamok.
Dahil dito, pangunahing apela ng Diocese of Legazpi ang mga pagkain, at hygiene kits para sa mga residenteng lumikas bukod dito nanawagan na rin si Father Arjona para sa mga face masks, o bimpo na maaaring maipantakip sa ilong at bibig ng mga tao.
Sa kasalukuyan, nakapagtala na ang Social Action Center ng Diyosesis ng Legazpi ng humigit kumulang 40, 000 mga indibidwal na lumikas at nananatili sa 36 na mga evacuation centers.
Naunang nananawagan ang Caritas Manila at Radio Veritas 846 ng panalangin para sa divine protection at tulong para matugunan ang pangangailangan ng mga nagsilikas na residente na apektado ng nakaambang pagsabog ng bulkang Mayon sa pamamagitan ng cash at in kind donations.
Ang cash donations ay maaring ipadala online sa http://ushare.unionbankph.com/caritas/ o ideposito sa bangko.
Account Name: Caritas Manila
Banco De Oro – Savings Account No.: 5600-45905
Bank of the Philippine Islands – Savings Account No.: 3063-5357-01
Metrobank – Savings Account No.: 175-3-175069543
Binuksan na rin ng Diocese of Legazpi ang kanilang HARONG program para sa mga Mayon evacuee.
Read: Diocese of Legazpi, binuksan ang Harong housing sa Mayon evacuees