311 total views
Naniniwala si Father Rico Garcia – Rector ng Our Lady of Guadalupe Minor Seminary na ang isinagawang SANGKAN o Isang Angkan Kay Kristo Southern Luzon Cluster ay lalo pang magpapaunlad sa bokasyon ng mga batang seminarista.
Ayon sa Pari, ang pagtitipon ng mga Seminarista kung saan nagtatagisan sa mga larong basketball, volleyball, chess at iba pa ang mga kalahok ay nagpapakita na hindi lamang dapat malimitahan sa loob ng paaralan at sa bawat silid sa seminaryo ang pag-aaral ng mga seminarista.
Dagdag pa ni Father Garcia, sa pamamagitan ng SANGKAN ay lumalalim ang pagsasamahan ng bawat isa at nakikilala din ng mga ito ang kanilang mga kapatid na seminarista mula sa ibang bahagi ng bansa.
“Una, para mag-paunlad ng ating bokasyon para yung mga nakapasok na dito, yung mga grade 7 at grade 8 ay magkarOon sila ng isang karanasan na hindi lamang sa kanilang seminaryo kundi, makasama at makakita sila ng iba pang mga kasama nila sa hinaharap sa paglilingkod sa pagpapari at sa pagkakataong ito ang pamamaraan ay sa paglalaro sa paligsahan at kalakip din dito yung mag kakila-kilala na sila.” Pahayag ni Father Garcia sa panayam ng Radyo Veritas.
Samantala, makahulugan naman para kay Father Garcia ang SANGKAN ngayong 2018 dahil ipinagdiriwang ng Simbahan ang Year of the Clergy and the Consecrated Peoples.
Umaasa ang Pari na sa pamamagitan ng pagtitipon na ito ay mapapalalim pa ang samahan ng mga seminarista, mapagyayaman ng bawat isa ang kanilang bokasyon, at makahihikayat pa ng ibang kabataang lalaki upang sumunod sa tawag ni Hesus bilang maging Pari.
Ang SANGKAN ng Southern Luzon Cluster ay kinabibilangan ng Our Lady of Guadalupe Minor Seminary, Oblates of St. Joseph Minor Seminary, St. John Paul II Minor Seminary, St. Francis de Sales Minor Seminary at Our Lady of Mt. Carmel Minor Seminary.
Mayroong 150 hanggang 175 mga batang seminarista mula sa Grade 7 at 8 na lumahok sa nakaraang pagtitipon.
Sa kasalukuyan, masusi na ang paghahandang isinasagawa ng Our Lady Of Guadalupe Minor Seminary para naman sa nakatakdang Nationwide SANGKAN sa darating na Nobyembre.