14,913 total views
Kinilala at pinasasalamatan ng pamunuan ng Radio Veritas ang mga blocktime program, advertisers, donors, sponsors na malaki ang ambag sa patuloy na pagsasahimpapawid ng Radyo ng Simbahan sa isinagawang “Koinonia gathering 2025” sa Arzobispado de Manila.
Inihayag ni Radio Veritas Board of Director chairman Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na napakahalaga ang papel na kanilang ginagampanan sa pagpapatuloy ng misyon ng Radio Veritas.
Ayon kay Cardinal Advincula, ito ay ang misyon na palaganapin ang katotohanan kung saan nagsisilbi silang mga kasangkapan ng Panginoon tungo sa katotohanan at pagpapalaganap ng pananampalataya sa lipunan.
“Nagpapasalamat tayo unang-una sa Panginoon sa kaniyang pagtulong sa atin, pangalawa ngayong hapon nagpapasalamat tayo sa inyo na mga sponsors at blocktimers kasi ang Panginoon ay tumutulong sa atin sa pamamagitan din ng mga taong tumutulong sa atin, sa pamamagitan ng mga taong allowing themselves to be instruments of God,” ayon sa mensahe ni Cardinal Advincula sa Koinonia.
Lubos din ang pasasalamat ni Radio Veritas President Father Anton CT Pascual sa mga sponsors, donors, blocktime programs at advertisers sa patuloy na pagpili sa himpilan ng Radio Veritas.
Ipinaabot din ni Father Pascual ang pasasalamat sa mga listener na tumatangkilik sa himpilan ng katotohanan.
Ibinahagi naman ni Father Pascual ang kagalakan sa pagiging No.2 ng Radio Veritas sa Kantar Media survey sa mga nangungunang AM Radio station sa Metro Manila na nangangahulugang patuloy na dumarami ang mga Pilipino na nakikinig at nagtitiwala sa Radyo ng Katotohanan.
“Nagpapasalamat tayo sa Panginoon sa isang matagumpay na Koinonia ng Veritas 846 sa araw na ito pagkatapos ng regular board meeting upang magpasalamat tayo sa ating mga donors, sponsors at block timers natin ng ating himpilan at tunay tayong pinagpala, tayo po’y umabot sa Number 02 sa rating natin sa Kantar Survey sa Metro Manila, first quarter ng 2025, at siyempre sa Mega Manila tayo po’y nag-number 03, isang biyaya na dumadami po ang nakikinig, naniniwala, nagtitiwala sa ating himpilan na talagang boses ng simbahan at boses ng katotohanan, nawa’y sa panahong ito na napakaraming mga fake, kaliwa’t kanan, makinig po tayo lagi sa Veritas 846, totoong balita, salita ng Diyos at katuruan ng simbahan at nawa’y mapalapit tayo sa Panginoon at magkaisa tayo, at makatulong tayo sa ating bansa, sa katotohanan at katarungan,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Pascual.