179 total views
Katarungan ang patuloy na panawagan ng Nuclear Free Bataan Movement para sa kanilang kasamahan na si Gloria Capitan na pinaslang isang taon na ang nakalilipas noong unang araw ng Hulyo.
Ayon kay Derec Cabe, coordinator ng N.F.B.M., nakadidismaya ang mabagal na imbestigasyon ng mga otoridad lalo na ang mungkahing isara ang kaso bagamat hindi pa nahuhuli ang tunay na salarin.
Dahil dito, nanawagan si Cabe sa Administrasyon na wakasan na ang extrajudicial killings, na bumibiktima hindi lamang sa mga taong may kaugnayan sa droga kundi maging sa mga tagapagtanggol ng kalikasan.
“Panawagan namin sana maging lesson at sana hindi lang ng mga pinapatay ng dahil sa pagtatanggol sa karapatan sa kalikasan, sana matapos na tigilan na ito, sana yung ating authorities lalong lalo na yung ating mga pulis at yung ating gobyerno, sana maging instrumento sila sa pagpapahinto ng unofficial na patakaran, at sana magkaroon ng hustisya ang pagkakapatay kay ate Gloria, sampu ng mga namatay na environmentalist,” dagdag pa ni Cabe
Inihayag ng Kalikasan People’s Network for the Environment na umabot na sa 117 ang mga environmentalist na napatay simula 2001.
Dahil dito, noong 2015, pumangalawa ang Pilipinas sa listahan ng mga bansang may pinakamaraming pinaslang na environmentalists at itinuring ang taong 2015 bilang deadliest year para sa mga tagapagtanggol ng kalikasan.
Samantala sa unang 9 na buwang panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte, 16 na environmentalist na ang napaslang.
Una nang inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco ang kahalagahan ng mga nagtatanggol sa kalikasan dahil ipinahihiram nila ang kanilang boses sa mga nilalang ng Diyos sa na araw-araw ay nanganganib na maubos at maglaho.
Bukod dito, sinabi pa ng Santo Papa na sa pamamagitan ng pagtatanggol sa san nilikha ay naitataguyod din ang buhay.