9,264 total views
Patuloy na sinusuportahan ng Prelature of Marawi ang lokal na pamahalaan sa programang “Kambalingan” o Homecoming ng mga Maranao na lumikas noong sumiklab ang bakbakan ng tropa ng pamahalaan at Maute Group.
Ayon kay Brother Rey Barnido, Lay Coordinator ng Social Action Center ng Prelature of Marawi, marami sa mga Maranao ang nakabalik na sa kanilang mga bahay.
Gayunman, ang mga pamilyang naninirahan naman sa ground zero ay walang magagawa kundi magtiis hanggang sa mapahintulutan na silang makabalik sa kanilang tahanan.
“Patuloy ang tinatawag naming “Kambalingan”, ang Homecoming program na tinutulungan ng Prelature of Marawi ang ating City Government. May mga natira pang 341 families sa evacuation center sa Iligan. Ililipat na sila within the next 2 weeks sa iba’t-ibang evacuation centers na gagawin nanaman sa Marawi dahil halos lahat ito ay taga-ground zero at hindi pa pwedeng umuwi.” Bahagi ng pahayag ni Barnido sa Radyo Veritas.
Batay sa tala ng Social Action Center ng Prelatura ng Marawi, 341 pamilya pa ng mga Maranao ang nananatili sa kasalukuyan sa mga evuation centers habang 49 na mga barangay na ang may mga bakwit na nakabalik na sa kanilang tahanan.
Samantala, ibinahagi rin ni Bro. Barnido na nagpapatuloy ang paglikha ng mga transitional houses para sa mga bakwit.
Aniya, nagtatagal lamang ito dahil sa kakulangan sa lupa na pagtatayuan ng mga bahay na pansamantalang tutuluyan ng mga Maranao, habang hindi pa lubos na naisasagawa ang pag rehabilitate sa buong Marawi City.
“On-going yung pagtatapos ng iba’t-ibang units and they are trying to finish around 1500 transitional houses. Marami-rami na rin ang lumipat. Yung iba ay hindi pa nasimulan, may pera na, marami namang nag offer, kaya lang ang problema kasi ngayon ay ang lupa sa Marawi, wala pa talagang masimulan dahil walang mabili na lupa, walang available na lupa o di kaya’y pag-aari ng Gobyerno.” Pahayag ni Barnido.
Ayon sa Social Action Center ng Prelature of Marawi, humigit kumulang 500 na ang mga pamilyang lumipat sa transisional houses habang tinatayang 1,500 mga bahay pa ang nakatakda pa lamang matapos.
Matatandaang humigit kumulang 300-libo ang mga Maranao na nagsilikas nang magsimula ang giyera sa Marawi noong ika-23 ng Mayo.