8,550 total views
Pinuri ng Obispo ang pagsasabatas ng Anti-bastos Law na mangangalaga sa mga karapatan at higit na paggalang sa kababaihan.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos–Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, mahalagang maitaguyod ang paggalang at pagpapahalaga sa mga kababaihan.
“It is very important and essential R.A. becomes a law, and that will foster human decency and ethics; a great help to uphold human respect and good manners especially towards women. Women will be protected from those unnecessary and irresponsible sexual remarks,” pahayag ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Iginiit pa ni Bishop Santos na kinakailangang ang lahat ay magpamalas ng pagsunod sa nasabing batas, anu man ang kanilang katungkulan o katayuan sa buhay.
Malaking bagay ayon sa obispo ang pagpapakita ng mga pinuno ng lipunan ng mabuting halimbawa, upang tularan ito lalo na ng mga kabataan.
“All must, no exception, should follow and fulfil the essence of R.A. 11313. All must set example to comply what this R.A. implies and call for.” Dagdag pa ng Obispo.
Kabilang sa mga nakasaad sa batas na paglabag at kawalang respeto sa mga kababaihan, ay ang pagmumura, pagsipol, malaswang pagtitig, pagtutuya, pagkuha ng personal na impormasyon gaya ng pangalan, contact number at social media accounts at iba pa.
Ang Republic Act 11313 o “Safe Streets and Public Spaces Act” ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong ika-17 ng Abril at inilabas naman ito sa publiko noong lunes ika-15 ng Hulyo.
Umaasa naman ang simbahang katolika na maitataguyod sa batas na ito ang kagandahang asal, at respeto sa mga kababaihang may malaking ambag sa pag-unlad ng lipunan.