2,301 total views
Pinasinayaan ng St. John the Baptist Parish o Minor Basilica and Archdiocesan Shrine of the Black Nazarene ang bagong selyo ng dambana.
Layunin ng pagbabago ang mapalalim at higit na maunawaan ng mga deboto ang kaalaman tungkol sa Quiapo Church.
Nagtataglay ang Escudo de Armas at Selyo ng dambana ng mga simbolo ni Hesukristo ang Poong Hesus Nazareno.
Mahigpit na ipinaalala ng simbahan ang paggamit ng selyo ng walang pahintulot ng dambana.
“Paalala mga Ka-Deboto, ang paggamit ng sagisag o SELYO ng Basilika Menor na itim na Nazareno na walang pahintulot sa simbahan o pamunuan ay mahigpit na ipinagbabawal alinsunod sa R.A. No. 8293 (𝘐𝘯𝘵𝘦𝘭𝘭𝘦𝘤𝘵𝘶𝘢𝘭 𝘗𝘳𝘰𝘱𝘦𝘳𝘵𝘺 𝘊𝘰𝘥𝘦 𝘰𝘧 𝘵𝘩𝘦 𝘗𝘩𝘪𝘭𝘪𝘱𝘱𝘪𝘯𝘦𝘴).” ayon pa sa inilabas na pahayag ng basilica.
Nakaukit sa gitna ng kalasag na disenyong krus ang ‘Christogram’ na ‘IHS o Iesous Hemeteros Soter’ na ibig sabihin ay Hesus Aming Tagapagligtas na patungkol sa debosyon ng Poong Hesus Nazareno habang ang Latin Cross ay sumasagisag sa Kristiyanismo at sa Pagpapakasakit at Pagkamatay ni Kristo.
Ang kulay kayumanggi ay tumutukoy sa kahoy na krus na dala ng Poong Nazareno at sa kulay ng imahe ng tanda ng kababaang loob habang ang koronang tinik ay tanda ng dakilang pag-aalay ng buhay ni Hesus para sa sangkatauhan.
Makikita rin sa selyo ang kulay maroon na sagisag sa kasuotan ng imahe at sa dugo ng Panginoong Hesus na inialay para sa sanlibutan at pagtubos sa kasalanan.
Binigyang diin din sa selyo ang mga tanda ng parokya tulad ng sungay na ginawang trumpeta na tumutukoy kay San Juan Bautista ang patron ng simbahan na ang pangunahing misyon ay maging tagapagbinyag at tagapaghanda sa daraanan ng Panginoong Hesus alinsunod sa naitala sa ebanghelyo ni San Juan 1:23 “Ako ang tinig ng isang taong sumisigaw sa ilang, ‘Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon.
Ang letrang M at buwan ay tumutukoy sa Mahal na Birheng Maria na paalala sa makasaysayang ugnayan sa pagitan ng mga debosyon sa Poong Hesus Nazareno at sa Mahal na Birhen ng Kapayaan at ng Mabuting Paglalakbay ng Antipolo habang ang buwan ay para sa Mahal na Birheng Maria bilang Inmaculada Concepcion at bilang Nuestra Señora de la Buena Hora na ipinagdiriwang sa Quiapo tuwing August 15, ang Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat kay Maria sa Langit.
Makikita rin ang Umbraculum na tanda ng kapangyarihang saklaw ng Santo Papa sa simbahang katolika kabilang na ang basilica gayundin ang susi na nagpapahayag ng ugnayan ng punong pastol ng simbahan at Simbahan ng Quiapo sa kasaysayan bilang Basilika Menor at bilang isang ‘dambana’.
Nakalathala din sa Escudo De Armas ang katagang ‘Krus ng Kaligtasan’ na hango sa awitin tuwing nobenaryo ng Poong Hesus Nazareno.
Ginanap ang pagpasinaya ng Escudo de Armas at Selyo ng Basilika Menor at Pang-arkidiyosesis na Dambana ng Itim na Nazareno, Parokya ng San Juan Bautista noong June 15 sa unang araw ng Misa Nobenaryo sa karangalan ng patron ng parokya, San Juan Bautista.
Pinangunahan ni Basilica at Shrine Rector, Parish Priest Fr. Rufino Sescon ang paglunsad kung saan ito ay idinesenyo ni Kendrick Ivan Panganiban ng DOMVS AVREA.