256 total views
Mga Kapanalig, noong nakaraang buwan, inanunsyo ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang pagbibigay sa mga empleyado ng Senado ng ayudang tinawag nilang “inflationary assistance.” Sa darating na Agosto, makatatanggap ang bawat empleyado ng aabot sa limampung libong piso at karagdagang limampung libong piso ulit sa Setyembre para naman sa medical assistance. Huhugutin daw ang perang ito sa savings ng Senado.
“Sana all” ang naging bukambibig ng mga nakarinig ng balitang ito. Malaking tulong nga naman ang ayudang ito para sa mga manggagawa sa Senado. Para sa mga grupong-manggagawa, pagkilala ito sa kalbaryong dinaranas ng mga kawani ng Senado dahil sa mataas pa ring presyo ng mga bilihin. Magsilbing halimbawa raw sana ang Senado sa iba pang ahensya ng gobyerno at bigyan din ng ayuda ang kanilang mga kawani.
Samantala, hindi limampung libong piso kundi limandaang piso lamang ang plano namang ipamahagi ng gobyerno sa tinatayang 9.3 milyong pinakanangangailangang mga pamilya. Sa loob ng dalawang buwan, makatatanggap ang bawat kuwalipikadong pamilya ng limandaang piso kada buwan upang makaagapay daw sa mabilis pa ring pagtaas ng presyo ng mga bilihin.3 Nitong Pebrero nga, bahagyang bumagal ngunit mataas pa rin ang tinatawag na inflation. Nasa 8.6% ito, mataas pa rin sa target ng gobyerno na 2% hanggang 4%. Ngunit para sa mga nasa tinatawag na “bottom 30% households”, na kinabibilangan ng mga pinakamahihirap na pamilya, ang inflation ay nasa 9.7%, at malaking bahagi nito ay mula sa mataas na presyo ng pagkain.4
Sa hirap ng buhay ngayon, malaking bagay ang mga ganitong tulong mula sa ating pamahalaan. Limampung libo o limandaang piso man ‘yan, tiyak na magpapasalamat ang mga kababayan nating maabutan ng pinansyal na ayuda. Katulad nga ng ipinahihiwatig sa Catholic social teaching na Pacem in Terris, ang gobyerno, bilang may pangunahing tungkuling tiyakin ang kapakanan ng mga mamamayan, ay inaasahang tulungan ang mahihirap at mahihinang kasapi ng lipunan.5 Dagdag naman ng yumaong Pope Benedict XVI sa Caritas in Veritate, responsabilidad din ng pamahalaang pangalagaan ang karapatan ng lahat sa mga benepisyong hatid ng ekonomiya at bawasan—kung ‘di man pigilan—ang mga nakapipinsalang aspeto nito—katulad nga mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ngunit maging mapagmasid at mapagbantay sana tayo sa mga pinansyal na ayudang ipinamamahagi ng pamahalaan. Huwag sana itong gamitin ng mga pulitiko upang mapabango ang kanilang pangalan sa mga botante o upang paboran ang mga kakampi nila. Noong kasagsagan nga ng pandemya at sinimulan ng pamahalaan ang pamamahagi ng ayuda sa mga pinakaapektado ng ilang buwang lockdown, nakita naman natin kung paano ginamit ng mga pulitiko ang programang iyon upang pagtakpan ang kanilang mga pagkukulang o upang makuha ang suporta ng mga nakatanggap para sa darating na eleksyon. Masasabi nating nakatulong ang ayudang iyon upang pansamantalang malimutan ng mga tao ang mga kakulangan ng pamahalaan, katulad ng hindi pagsasagawa ng mass testing. At sa kabila ng mabagal at minsan ay magulong pamamahagi ng ayudang iyon, nagpasalamat pa rin ang marami, dahil iyon marahil ang unang pagkakataon nilang makatanggap ng pera mula sa gobyerno.
Ganito rin ang posibleng kahinatnan ng inflationary assistance, lalo na sa mga makatatanggap ng gapatak na ayuda. Kulang na kulang kung tutuusin ang limandaang piso, ngunit hindi imposibleng magamit ito ng mga pulitikong sasamantalahin ang programa upang iangat ang kanilang sarili. Huwag sanang maging kasangkapan ang ayuda para sa pamumulitika.
Mga Kapanalig, masasabi nating ang pagbibigay ng ayuda ay isang paraan ng pagtugon sa pangangailangan ng kawang itinalaga sa ating mga lider, katulad ng sinasabi sa mga Kawikaan 27:33. Ngunit ang mga lider na may tunay na malasakit sa kanilang mga pinamamahalaan ay higit pa sa gapatak na ayuda ang kayang ibigay.
Sumainyo ang katotohanan.