452 total views
Pinangunahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang groundbreaking ng itatayong Bagbag Integrated Highschool sa Bagbag, Novaliches.
Tiniyak ni Mayor Belmonte na palalawakin ang mga programang kinakailangan ng mamamayan ng lungsod lalu na ang pabahay, health care at edukasyon.
“Gusto kong bigyang pansin ngayon ang pangangailangan ng bawat tao; this is their basic human rights: education, healthcare and housing,” pahayag ni Belmonte sa panayam ng Radio Veritas.
Tiniyak ni Belmonte sa nasasakupang mamamayan na tutulungan ng lungsod ang mga kabataan sa pagkamit ng wastong edukasyon sa kabila ng new normal na ipinatutupad.
Inihayag ng alkalde ang pamamahagi ng gadgets sa 176, 000 estudyante sa junior at senior highschool na gagamitin sa isasagawang online class.
Sa pamamagitan ng gadgets ay mababasa ng mga mag-aaral ang mga pre-loaded modules.
Bukod sa mga estudyante ay bibigyang prayoridad ng local na pamahalaan ang mga guro na magpapatuloy sa paghuhubog sa kabataan sa pamamagitan ng blended learning.
“Sa mga teachers naman may committment tayong [Quezon City government] laptop at P1000 para sa internet kada buwan,” saad pa ni Belmonte.
Ang itatayong gusali ay mayroong 52 silid-aralan, 12 school laboratories at 284-capacity auditorium.
Paliwanag ni Belmonte na magandang gamiting pagkakataon ang learn from home scheme ng mga kabataan habang isinasaayos ang mga paaralan at pagtatayo ng karagdagang school buildings.
Patuloy naman ang paghimok ng simbahang katolika sa mga lider ng bansa at komunidad na paigtingin ang mga programang makatutulong at mapakikinabangan ng mamamayan paritkular ng mga dukha.