835 total views
4th Sunday of Easter Cycle C
Good Shepherd Sunday
World Day of Prayer for Vocations
Acts 13:14.43-52 rev 7:9.14-17 Jn 10:27-30
Ang pagpapastol ay isang pangkaraniwang gawain ng mga Israelita. Ang mga ninuno nila, sina Abraham, Isaac, Jacob, David, ay mga pastol. Dahil dito alam ng mga Israelita ang gawain ng mga pastol. Ang pag-aalaga ng mga kawan nila ay ang pangangalaga ng kanilang hanap buhay. Nabubuhay ang mga pastol dahil sa kanilang mga tupa. Ito ang nagbibigay sa kanila ng kanilang pagkain, ng kanilang mga tolda para sa kanilang tahanan, at ng kanilang mga damit. Kung ngayon ang kayamanan ng mga tao ay nakikita sa kanyang ari-ariang mga lupa, o kaya sa kanyang pera sa bangko, o sa taas ng kanyang suweldo o sa dami ng kanyang bangka, o business o bahay, noon ang mayamang tao ay nakikilala sa dami ng kanyang mga tupa.
Ang gawain ng pastol ay pangalagaan ang kanyang mga tupa, na hindi sila magkasakit, na hindi sila mawawala, na hindi sila kakainin ng mababangis na mga hayop. Kailangan din sila dalhin sa mga lugar na may mga damo at may tubig. Hindi madali ang gawaing ito. Kailangan sila palaging makikilakbay kasama ng kanilang mga tupa. Dahil sa gawaing pangangalaga, ang pastol ang nagiging larawan ng isang leader. Iyan din ang gawain ng leader – tugunan ang pangangailangan ng mga nasa ilalim niya, ipagtanggol sila sa mga kaaway, at dalhin sila sa masaganang buhay. Ang mga hari ng Israel ay kinikilala na mga pastol ng bayan, ganoon din ang kanilang mga religious leaders.
Ngayong Linggo, ang ika-apat na Linggo ng panahon ng Muling Pagkabuhay ni Jesus, ay tinatawag na Linggo ng Mabuting Pastol o Good Shepherd Sunday. Dito piniprisinta si Jesus na isang Mabuting Pastol na inalay ang kanyang sarili upang tayo, ang kanyang tupa, ay mabuhay. Dinadala niya tayo sa mainam na pastulan kung saan wala ng pagdurusa. Papahiran niya ang ating mga luha at mananagana tayo magpasawalang haggan sa kanyang kaharian. Sinabi sa atin sa ating ikalawang pagbasa na pinangungunahan niya ang napakaraming mga tao mula sa bawat bansa, lahi, bayan at wika. Nakadamit sila ng puti sapagkat nilinis na ang anumang karumihan nila ng dugo ng Kordero at nakahawak sila ng mga palaspas na sumasagisag sa kanilang tagumpay sa buhay na ito. Walang kaaway o kasamaan ang makakaagaw ng tupa sa kanyang kamay. Ganyan ang gagawin sa atin ng ating Mabuting Pastol na si Jesus.
Ang pagiging mabuting pastol ni Jesus ay pinagpapatuloy ng kanyang mga alagad. Narinig natin ang pagsisikap ni Pablo at ni Bernabe sa Antiquia ng Pisidia. Doon nagpahayag sila sa sinagoga. Marami ang dumating upang makinig sa kanila. Kinainggitan sila ng mga leaders ng mga Judio doon at inintriga sila sa mga may influensiyang mga tao doon. Isinumbong sila na nagdadala daw sila ng gulo, kaya pinalalayas sila sa lunsod. Pero matapang na nanindigan sina Pablo at Bernabe. Oo, aalis nga sila para makaiwas ng gulo, pero patuloy silang magpapahayag kahit na sa mga hindi Judio, sapagkat ang kaligtasan ay para sa lahat. Ayaw man silang tanggapin ng mga Judio, pupunta sila sa mga Hentil. Hindi iniiwan ng mabubuting pastol ang kanilang pagpapastol.
Hanggang ngayon pinagpapatuloy ng simbahan ang pagiging mabuting pastol ni Jesus. Iyan ang gawain ng ating Santo Papa, ng ating mga obispo, ng ating mga pari at ng ating mga leader laiko. Naglalaan sila ng kanilang buhay at panahon sa ikabubuti ng bayan ng Diyos. Sabi ni Jesus sa mga tao, magdasal kayo sa Panginoon ng ubasan upang magpadala ng maraming manggagawa sa kanyang bukirin. Kaya nagdarasal tayo na bigyan tayo ng Santo Papa sa siyang magpapatuloy sa gawain ng paggagabay sa buong simbahan. Pumanaw na si Papa Francisco, may isa naman na itatalaga ng Diyos na ipagpatuloy ang gawain ng Mabuting Pastol na si Jesus sa ating piling.
Kung si Jesus ang Mabuting Pastol, sana magiging mabubuting tupa naman tayo. Hindi namimilit ang Mabuting Pastol. Hindi sila namamalo ng mga tupa. Ang kanyang baston ay panlaban sa mababangis na hayop at panggabay sa mga tupa na naliligaw o nawawala, hindi panghampas sa kanyang mga tupa. Magiging mabubuting tupa tayo kung ginagawa natin ang sinabi ni Jesus. “Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila at sumusunod sila sa akin.”
Nakikinig ang tupa sa tinig ng kanilang pastol. Kilala nila ang tinig ng kanilang pastol. Kilala ba natin ang tinig ni Jesus? Oo, kung nakikinig tayo sa ating konsensya. Ang konsensya ay ang munting tinig ng Diyos sa budhi natin. Dito nalalaman natin ang dapat nating iwasan at kung ano ang dapat nating gawin. Ang bawat tao ay may konsensya, pero tayong mga kristiyano ay mas pinaigting ang ating konsensya ng ating pananampalataya at ng Banal na Espiritu na tinanggap sa binyag at sa kumpil. Sumunod tayo sa ating konsensya sa lahat ng bagay, pati na sa ating pagboboto. Kaya nanawagan tayo na bumoto ayon sa konsensya. Makinig tayo sa ating Mabuting Pastol.
Nakinig tayo kay Jesus kasi kilala niya tayo. Alam niya ang ating kalagayan, ang ating pinagdadaanan sa buhay, ang ating nararamdaman. Kaya ang sinasabi niya ay para sa ating kabutihan. Ang tinig ng ating pastol ay hindi tinig ng walang pakialam sa atin o tinig ng walang kibo sa atin. Ito ay tinig ng isang nagmamahal sa atin at nakakakilala sa atin.
Pero hindi lang sapat na makinig. Dapat natin gawin ang ating napakinggan. Kaya sumunod tayo sa ating mabuting pastol. Hindi tayo malilihis sa landas ng buhay kung sumusunod tayo kay Jesus. Dadalhin niya tayo sa mainam na pastulan, sa buhay na walang hanggan. Ang mga pangako ng mga politiko ay masyadong makitid – bigas na dalawampung piso daw ang halaga ng isang kilo, trabaho daw, sementadong daan o kuryente. Ito ay mga pangako na pansamantala lamang at hindi pa nga nagagawa. Ang pangako ni Jesus ay buhay na walang hanggan, walang hanggang kaligayahan, at tinaya niya ang kanyang buhay para dito. Maniwala tayo sa ating mabuting pastol, sumunod tayo sa kanya.
Ngayong Linggo ay pandaigdigan araw ng pagdarasal para sa bokasyon. Manalangin tayo ng magpadala ang Diyos ng mga manggagawa sa kanyang pastolan. Habang pinagdarasal natin na magpadala ang Diyos ng mabubuting pari at madre, ngayong araw, bago tayo bumoto bukas, magdasal din tayo sa Diyos na bigyan tayo ng mabubuting leaders sa ating gobyerno, tunay na mga leaders na may malasakit sa atin, at hindi mga leaders na ang sarili lang nila at ng kanilang pamilya ang interes. Ipagdasal natin ang mga Pilipino na sumunod sa tinig ng kanilang konsensya sa kanilang pagboto bukas, at hindi sila malinlang at matakot sa mga galamay ng mga politiko. Huwag sana nilang hayaan na maging tau-tauhan lang sila ng mga politiko. Panindigan natin ang ating kasarinlan, ang ating sariling pasya, ang ating sariling konsyensia.