279 total views
Sang-ayon si Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao sa pagsasagawa ng house-to-house COVID-19 vaccination para sa mga senior citizen at mayroong comorbidities.
Ayon kay Bishop Mangalinao, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education, mas makakatulong ang ganitong inisyatibo dahil hindi na kailangan pang lumabas ng mga tao sa kanilang mga tahanan para magpabakuna laban sa virus.
“Malaking tulong ito lalo na sa mga seniors at may comorbidities na takot lumabas ng tahanan dahil baka mahawa ng virus, ngunit gustong magpabakuna,” pahayag ni Bishop Mangalinao sa Radio Veritas.
Sinabi ng obispo na sa ganitong paraan mas madaling maisasagawa ang information dissemination upang maipaliwanag sa mamamayan ang kahalagahan ng pagpapabakuna.
Dagdag ni Bishop Mangalinao, malaking kaginhawaan din ang house-to-house vaccination para sa mga komunidad na malayo sa vaccination sites.
“Tulad ng mga nasa gitna ng kabundukan, makakatulong din ito na marating ang malalayong lugar na nais ding makatanggap ng proteksyon laban sa COVID,” ayon sa obispo.
Gayunpaman, mariin namang tinututulan ng opisyal ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na patawan ng parusa ang mga ayaw magpabakuna.
Aniya, lalo lamang nitong madadagdagan ang pangamba at alalahanin ng mga tao habang patuloy na hinaharap ang krisis ng pandemya.
“Hindi ako sang-ayon na pilitin, takutin, at parusahan ang mga taong ayaw magpabakuna,”saad ni Bishop Mangalinao.
Iginiit ni Bishop Mangalinao na mas magandang paigtingin na lamang ng pamahalaan ang pagpapalaganap ng impormasyon hinggil sa bakuna na lalong makakahikayat sa publiko na magpabakuna laban sa virus.
Nauna nang kinondena ng Commission on Human Rights ang direktiba ng Administrasyong Duterte at sinabing maliban sa ito’y labag sa karapang-pantao, hindi rin nakasaad sa 1987 Constitution ang batas na nagsasabing maituturing na kriminal ang indibidwal na ayaw magpabakuna.
Batay naman sa tala ng Department of Health, nasa halos 58-milyong Filipino na ang kumpleto na sa bakuna kontra COVID-19 habang nasa higit anim na milyon naman ang nakatanggap na ng booster shot.