3,793 total views
Pinaalalahanan ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang mananampalataya na hindi nagpapabaya ang Diyos sa sangkatauhan sa kabila ng krisis at hamong kinakaharap ng bawat isa.
Ito ang pagninilay ng obispo kaugnay sa paggunita sa ikapitong taon mula nang yanigin ng 7.2 magnitude na lindol ang Bohol noong Oktubre, 2013.
Sa kabila ng trahedya ayon sa obispo ay makikita pa rin ang kaloob ng Diyos na ipinamalas sa sangkatauhan sa iba’t ibang paraan.
“Nakita natin na hindi tayo pinabayaan ng Diyos dahil sa kabila ng pinsala ng malakas na lindol agad tayong nakabangon; higit sa lahat marami ang nagbalik loob sa Panginoon at napagnilayan ang tunay na kahalagahan at kahulugan ng buhay,” bahagi ng mensahe ni Bishop Uy.
Dagdag pa ng obispo nang dahil din sa lindol namulat ang mamamayan sa katotohanan na may hanggangan ang mga materyal at makamundong mga bagay.
Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council tinatayang nasa dalawang bilyong piso ang kabuuang halaga ng pinsala sa imprastruktura, gusali at mga ari-arian sa lalawigan.
Giit pa ni Bishop Uy na sa gitna ng trahedya ay muling nabuhay ang diwa ng Kristo sa bawat isa sa pagtutulungan na lingapin ang kapwa upang maibsan ang paghihirap.
“Nakita rin ang muling pag-usbong ng diwa ng bayanihan kaya’t kahit anumang trahedyang kakaharapin malalampasan sa pagtutulungan at pagkakaisa ng mamamayan,” dagdag ng obispo.
Mahigit sa kalahating milyong pamilya ng lalawigan ang naapektuhan ng lindol kung saan mahigit sa 200 ang nasawi.
Sa ikapitong anibersaryo ng lindol, tuluyan namang naisaayos ang 21 sa 25 simbahan sa Bohol na napinsala ng pagyanig habang patuloy pa rin ang pagsaayos sa nalalabing apat na simbahan.
Pinagnilayan naman ng obispo na magandang pagkakataon din na gunitain at alalahanin ang misteryo ng banal na rosaryo na matibay na sandata sa anumang hamong kakaharapin sapagkat ito ay nagpapaalala sa sakripisyo ni Hesus para sa sanlibutan.
“Sa pagdarasal ng Santo Rosaryo makikita ang misteryo sa buhay ni Kristo kasama ang Mahal na Birhen at ang mensaheng hatid nito na sa kasiyahan at hapis, sa kaluwalhatian at kaliwanagan si Hesus at Maria ay nanatiling kaisa ng Diyos Ama at sa buong sanlibutan,” ayon kay Bishop Uy.
Nag-alay din panalangin ang obispo sa mga nasawing biktima ng lindol gayundin sa lahat na nagsusumikap na makabangon mula sa trahedya sa tulong at gabay ng Diyos.