29,206 total views
Inilunsad ng Archdiocese of Davao ang mga gawain sa pagdiriwang ng ika-75 anibersaryo ng pagkatatag bilang diyosesis.
Pinangunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown ang banal na misa sa San Pedro Cathedral sa paglunsad ng mga gawain nitong February 22 kasabay ng Kapistahan ng Luklukan ni Apostol San Pedro at pagtatapos sa 25th National Bible Workshop ng arkidiyosesis.
Nagpasalamat si Davao Archbishop Romulo Valles sa Panginoon sa patuloy na biyayang ipinagkaloob sa kristiyanong pamayanan ng Davao na binubuo ng mahigit isang milyong katoliko.
Dalangin ng arsobispo ang mas masigasig at matatag na pamayanan sa tulong panalangin ng Mahal na Birheng Maria upang maisabuhay ang isang simbahang sinodal.
“I hope and pray then that our 75th Anniversary, three-quarters of a century of our faith-journey, will inspire us to remain strong and unwavering in our love for the Lord,” pahayag ni Archbishop Valles.
Sa kasaysayan itinatag ang diyosesis bilang territorial prelature of Davao noong December 17, 1949 habang ganap na naging diocese July 11, 1966 at pormal na itinalagang arkidiyosesis noong June 29, 1970.
Tiniyak ni Archbishop Valles ang pagpapaigting sa munting pamayanan bilang pangunahing nagmimisyon sa mga kristiyanong komunidad.
“Let us sustain the spirit of synodality and stewardship in our Basic Ecclesial Communities as we journey together, and may the next 75 years and beyond continue to be a living witness to our Lord’s graciousness and faithfulness,” ani ng arsobispo.
Katuwang ni Archbishop Valles sa pangangasiwa sa arkidiyosesis si Auxiliary Bishop George Rimando kasama ang halos 200 mga pari sa 39 na mga parokya.