3,180 total views
Ihahandog ng Philippine Philharmonic Orchestra (PPO) ang isang gabi ng musika at sining sa konsiyertong pinamagatang “Symphonia Caeli” sa San Mateo, Rizal.
Gaganapin ito sa August 29, 2025, alas-7 ng gabi sa National Shrine and Parish of Our Lady of Aranzazu, sa pamumuno ni Maestro Herminigildo Ranera, kung saan tampok din sa pagtatanghal ang mga kilalang mang-aawit na sina Gab Pangilinan at Mike Shimamoto.
Libre at bukas para sa lahat ang konsiyerto bilang bahagi ng outreach program ng Cultural Center of the Philippines (CCP) na layong palaganapin ang pagpapahalaga sa sining at kultura, at dalhin ang mga ganitong pagtatanghal sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
Ang Symphonia Caeli ay inihahandog sa pakikipagtulungan ng CCP, ng Dambana ng Aranzazu sa pangunguna ng rektor at kura paroko Fr. Rodrigo Eguia, at ng Hermano Mayor 2025 Henri Andres-Macatangay.
Kabilang din ito sa patuloy na pagbubunyi para sa nalalapit na maringal at makasaysayang deklarasyon ng dambana bilang national shrine sa August 22, 2025, kasabay ng kapistahan ng Pagka-Reyna ng Mahal na Birheng Maria, na ang Banal na Misa sa ganap na alas-10 ng umaga ay pangungunahan ni Vatican Dicastery for Evangelization Pro-prefect Luis Antonio Cardinal Tagle.
Tema ng makasaysayang pagdiriwang ang “Dambana ng Pag-asa: Daan ng Peregrino kasama ang Birhen ng Aranzazu.”
Matatandaang sa 129th Plenary Assembly ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) noong January 2025, isa ang Dambana ng Nuestra Señora de Aranzazu sa tatlong simbahan sa bansa na idineklarang national shrine.
Batay sa kasaysayan, nagsimula ang simbahan noong 1596 sa pamamagitan ng mga Agustinong misyonero, ngunit Agosto 29, 1659 nang maitayo ang parokya na itinalaga kay San Mateo Ebanghelista. Noong 1705, sinimulan ni Fr. Juan Echazabal, isang Heswita, ang debosyon sa Birhen ng Aranzazu.
Pinarangalan ang imahe ng Birhen ng Aranzazu ng Episcopal Coronation noong 2013 at Canonical Coronation noong 2017, na nagpapakita ng mataas na pagpapahalaga at pagkilala rito ng Simbahang Katolika.
Idineklara naman noong July 17, 2004 ang parokya ng Nuestra Señora de Aranzazu bilang diocesan shrine—ang natatanging simbahan sa Pilipinas na nakatalaga sa Birhen ng Aranzazu at sister-parish ng Basilica of Aranzazu sa Spain.(