211 total views
Hindi pa rin napupunan ang sapat na kailangang manggagawa sa Bureau of Immigration na siyang dahilan kung bakit humahaba ang mga pila sa immigration counters sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon Immigration Spokesperson Atty. Marie Antonette Mangrobang, bagama’t may inilaan ng pondo ang Department of Budget and Management para sa pagkuha ng bagong empleyado ay daraan pa rin ang mga ito sa proseso para mapunan ang mga kakulangang personnel.
“There is a hiring process para mapunuan ang mga positions na ito. We know that it takes a while pero this is a long term solution doon sa manpower crisis natin,” dagdag pa nito.
Kamakailan, nagbukas ang BI para sa hiring ng isang libong job positions bilang tugon sa manpower crisis ng kagawaran.
Sinabi pa ni Mangrobang, problema rin ang pagliban sa trabaho ng mga empleyado na ang pangunahing dahilan ay ang mababang sahod bukod pa sa hindi nababayarang ‘overtime pay’ sa nakalipas dahilan upang kumukuha rin ang mga empleyado ng ibang mapagkakakitaan o ‘side line’ para sa karagdagang kita.
“The difficulty now is our immigrations officers are trying to augment their salary by looking for other ways to have additional income given the financial state of every immigration officers. Kapag sinasabi po ng empleyado na ang dahilan kung bakit hindi s’ya makakapasok ay dahil wala ‘syang pamasahe, naiintindihan natin ang mga pinagdadaanan nila kasi kami lahat ay nagdadaan din sa ganitong klaseng krisis,” pahayag ni Mangrobang.
Sa tala ng BI, ang isang immigration officer ay may regular basic salary na Php14,000 kada buwan.
Una nang pinamamadali ng pamahalaan ang pagproseso ng Immigration Act na magbibigay sa mga kawani ng BI ng karagdagang sahod ngunit hanggang ngayon ay hindi parin ito naisasakatuparan.
Sa Laborem Exercens si Pope St. John Paul II, nakasaad na dapat kilalanin ng mga kumpanya ang karapatan ng mga manggagawa sa kanilang trabaho kabilang na ang maayos na pagtrato at sapat na kita na tutugon sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.
Read :