212 total views
Ang gumagapang na init ng panahon ngayon sa atin ay hindi lamang dapat nagpapa-alala ng nalalapit na tag-init. Ito dapat ay nagpapahiwatig na rin sa atin ng mabilis na pagkawala ng mga halaman sa ating paligid. Dati rati kapanalig, kahit dito sa Metro Manila, ma-puno pa. Ngayon, puro kongkreto ang ating nakikita, at mga nakakalbong mga kapatagan at bulubundukin.
Ayon sa WWF Philippines, tinatayang mga 47,000 na hektarya ng ating kagubatan ang nawawala kada taon dahil sa kalat na illegal logging at pag-gambala sa mga protected areas ng bansa. Ayon naman sa DENR, ang kasalukuyang forest cover ng bansa ay nasa 7.014 million hectares lamang, na malayo sa 1934 forest cover na 17.8 million hectares. Dito nga sa Metro Manila, nawala na ang mga green spaces sa ating paligid. Isa ng malaking concrete jungle and megacity na ito, at sa proseso, mas lalong uminit ang kapaligiran. Ngayong darating na summer, mas madadama pa natin ito.
Kapanalig, ang pagkawala ng ating mga kagubatan ay senyales ng pagkawala ng balanse sa ating kapaligiran. Dahil sa pangyayaring ito, hindi lamang umiinit ang ating kapaligiran, nalalagay din sa peligro ang ating mga buhay. Ang kawalan ng puno sa paligid ay senyales ng mas malubhang baha na darating sa tag-ulan, pati na rin ang malawakang landslide at rockslide.
Bakit nga ba nawawala ang mga puno sa maraming lugar sa ating bansa?
Kapanalig, ang urbanisasyong walang pakialam sa balanse at sustainability ng kalikasan ay isa sa mga dahilan ng kawalan ng puno sa maraming lugar sa ating bansa. Maraming mga housing development sites sa bansa ay nakakaligtaan ang maayos na drainage, kasama ang paglalatag ng luntiang mga espasyo. Maski mga sidewalks natin, tinanggalan na natin ng mga puno. Kung mapapansin niyo, dati rati ang ating mga street islands, mayabong pa ang mga halaman at puno. Pinapalamig nila ang ating mga kalye at pinapaganda ang mga kapaligiran. Ngayon, maging sila ay naging kalbo na rin.
Kapanalig, ang mga puno at iba pang halaman sa ating syudad, ang mga luntiang espasyo sa ating paligid ay hindi lamang mga palamuti. Sila ay nagbibigay buhay sa ating kapaligiran, nagbabawas ng mga emisyon sa hangin, at panangga rin sa init at lamig. Kailangan natin sila upang mabuhay. Ayon nga sa mga eksperto, ang kawalan ng forest cover ay kawalan din ng proteksyon sa mga sakit. Maraming mga umuusbong na sakit sa ating paligid, gaya ng mga sakit na lumilipat sa hayop tungo sa tao ay maiiwasan kung ang mga tahanan ng hayop, gaya ng kagubatan, ay mayabong na umiiral.
Ang mga kataga ni Pope John Paul II sa The Ecological Crisis: A Common Responsibility ay nagpapa-alala sa atin na pangalagaan natin ang kalikasan. Ayon dito, hindi natin pwedeng galawin ang ating kapaligiran na hindi man lamang iniisip ang kahihinatnan nito. Sinisira natin ang balanse ng mundo, at sa proseso, sinisira din natin ang kinabukasan ng sangkatauhan.