419 total views
Pinalalakas pa ng Diocese of Malolos ang kanilang mga programa upang mapaghandaan ang mga posibleng maganap na kalamidad sa kanilang lalawigan.
Ayon kay Rev. Fr. Efren Basco, Social Action Director ng nasabing diyosesis, kailangan harapin ng sama-sama,pagtutulungan may kahandaan at may pananampalataya sa Diyos ang mga dumarating na kalamidad.
Naniniwala si Father Basco na ang takot at kawalan ng sapat na kahandaan ay lalong magdudulot ng pinsala sa mga nakakaranas ng kalamidad.
Pinaalalahan ng Pari ang mamamayan na huwag kalimutan ang pagdarasal at pagtitiwala sa Diyos.
“Takot ang sanhi ng mas lalo pang pagpapasidhi ng mga kalamidad. Haraping sama-sama ang hamon ng paghahanda sa anomang mukha ng kalamidad. Magdasal, maging tapat sa Diyos sa ating pagiging mabuting katiwala at matapang na mag-hasa ng pampamayanang kilos upang harapin ang mga panganib na banta ng kalikasan.” Mensahe ni Father Basco sa Damay Kapanalig Program ng Radio Veritas
Magugunitang isa ang lalawigan ng Bulacan sa mga labis na nakaranas ng pinsala ng bagyong Ondoy, pitong taon na ang nakakalipas. Tinatayang nasa 15 bayan sa nasabing lalawigan ang naapektuhan ng malawak na pagbaha dahilan para magsilikas ang maraming mamamayan at maapektuhan ang kanilang mga kabuhayan at tirahan.
Batay sa datos umabot sa halos limang milyong indibidwal ang naapektuhan ng bagyong Ondoy noong taong 2009 kung saan maituturing ito na isa sa mga pinakamatinding pagbaha na naganap sa bansa.