507 total views
Malaking palaisipan sa program coordinator ng Caritas Manila Restorative Justice Ministry kung paano nakalusot at nakakapasok sa New Bilibid Prison ang droga gayong napakahigpit ng seguridad na ipinapatupad ng PNP Special Action Force.
Dahil dito, nanawagan si Sister Zeny Cabrera ng masusing imbestigasyon sa naganap na riot sa building 14 ng New Building Prison na ikinamatay ng isang high-risk inmate at ikinasugat ng apat pang convicted criminal.
Iginiit ng Madre na dapat ipaliwanag ng mga opisyal ng Bureau of Correction, Philippine National Police at Department of Justice sa publiko kung paano nakalusot o nakapasok sa pambansang piitan ang droga na sinasabi nilang pinagmulan ng riot.
“Kahit na mahigpit ang security, bakit nakakalusot pa yang mga droga nayan? Bakit nakakalusot pa? Ang tanong, anong klaseng security meron tayo sa loob ng New Bilibid – Building 14 where the high-risk criminal ay nakalagak? Bakit nagkaroon pa ng issue na may mga nagpa-pot session at doon nagsimula yung gulo,” mga katangungan ni sister Cabrera sa panayam ng Radio Veritas.
Iginiit din ng Madre na sa kabila ng pagiging makasalanan ng mga kriminal na ito ay nananatili pa rin ang kanilang pagiging kawangis ng Diyos, kaya’t marapat lamang na tulungan at gabayan sila upang muling makapagbagong buhay.
“Bagamat sila’y nakakulong let us not forget that they are part of the human society, they are part families every prisoners is a family, every prisoners is a person hindi dapat sila tingnan as para na lang inilagak doon, para ba silang outside our world. Dapat silang tulungan at pangalagaan, yung kanilang dignidad bilang kalarawan, kamukha ng Diyos ay hindi nawawala sa kanila, ”pahayag Madre.
Samantala, nauna nang ipinaubaya ng Bureau of Corrections sa PNP- Crime Investigation and Detection Group (CIDG) ang imbestigasyon sa tunay na dahilan ng riot na ikinasawi ng high-profile prisoner na si Tony Co at ikinasugat naman nina Jaybee Sebastian at Peter Co na kapwa inaasahang titestigo sa isinasagawang pagdinig sa Kongreso sa patuloy na illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison.
Sa tala, mahigit sa 400 PNP-SAF troopers ang nagbabantay sa loob ng NBP kung saan nauna ng umapela si Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa PNP na palawigin pa ng 3-buwan ang pagbabantay upang tuluyang maisaayos at malinis mula sa ilegal na gawaing nagaganap sa loob ng pambansang piitan.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahan, ang bilanguan ang dapat na magsilbing pansamantalang tuluyan ng mga naligaw ng landas sa lipunan at nararapat na maging daan sa muling pagbabalik ng kabutihan sa puso at isip ng mga nagkasala.