1,313 total views
Isa sa mga hindi malilimutang sakuna sa ating kasaysayan ay ang Bagyong Ondoy at ang dala nitong matinding baha.
Setyembre 26, 2009 ng biglang mabilis na dumaloy ang baha sa maraming bahagi ng NCR at karatig probinsya. Halos isang milyong pamilya ang naapektuhan nito o mga 4.9 milyong tao. Tinatayang halos 500 ang namatay, 530 ang nasugatan, at 37 ang nawala. Lampas tao na baha ang naranasan sa maraming mga lugar. Isa na rito ang Marikina, na isa sa nakaranas ng matinding pagbaha.
Maliban sa matinding pagbaha, nagdala rin si Ondoy ng isa pang problema: ang leptospirosis outbreak. Ayon sa datos ng Department of Health, siyam na hospital sa Metro Manila ay nakapagtala ng kabuuang 383 na kaso ng leptospirosis matapos ang pagbaha.
Marami ang nagdalamhati sa epektong dinulot ng Bagyong Ondoy, ngunit ayon nga sa kasabihan, may bahaghari matapos ang pag-ulan.
Dahil sa nakitang malawakang epekto ng Ondoy, at ng bagyong sumunod dito (Pepeng), nagkaroon ng Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010.
Ang batas na ito ay naglayong isaayos ang kahandaan at kakayahan ng nasyonal at lokal na pamahalaan sa anumang sakunang darating sa bansa. Ang mga LGUs ay nagkaroon ng ibayong pagpaplano, nagkaroon ng mga hazard mapping, at maraming mga kawani ng pamahaalan, mula sa barangay hanggang ehekutibo, ay binigyan ng kasanayan sa disaster risk reduction at management.
Ito ay isang mainam na aksyon mula sa sama sama nating karanasan bilang magkakapatid na biktima ng sakuna. Ang mga nagdaang bagyo ay nagbigay sa atin ng kamulatan ng kahalagahan ng kahandaan, lalo na’t ang ating bansa ay bulnerable sa iba ibang uri ng sakuna maliban sa bagyo.
Ang pag-alala sa Ondoy, kapanalig, ay hindi lamang pag-alala sa pagdurusa. Ito rin ay pag-alala sa kakayahan nating bumangon mula sa sukdulang paghihirap. Ang mga ganitong alala ay isang malaking konsolasyon sa atin bayan, lalo na sa tuwing hindi natin makita ang pagkaka-isa sa bayan. Ang ating pagbangon mula sa Ondoy ay testamento sa kakayahan nating magmahal sa kapwa, na dapat isabuhay natin ngayon kung kailan puro poot, galit at mura ang namumutawi sa ating lipunan.
Ang ating sama samang pagbangon at pagtutulungan sa bawat sakunang dumapo sa bayan ay nagbibigay buhay sa mga kataga ni Pope Francis mula sa Laudato Si: Local individuals and groups can make a real difference. “They are able to instill a greater sense of responsibility, a strong sense of community, a readiness to protect others, a spirit of creativity and a deep love for the land.” Nawa’y maipagpatuloy natin ang ganansya ng ating sama-samang aksyon.