43,221 total views
Ang paggunita ng EDSA People Power Revolution ay isang patuloy na paalala sa kahalagahan ng pagkakaisa ng bawat mamamayan para sa kapakanan ng bayan.
Ito ang ibahagi ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza – convenor ng Pilgrims for Peace at One Negros Ecumenical Council kaugnay sa ika-38 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.
Sa isinapublikong pahayag ng Obispo na may titulong “Rising in Hope: Let the spirit of EDSA People Power ignite our unity to rise once more!” ay binigyang diin ni Bishop Alminaza ang
kahalagahan ng patuloy na pagkakaisa ng mga Pilipino para sa kapakanan bansa hanggang sa kasalukuyang panahon.
Tinukoy ni Bishop Alminaza ang kahalagahan ng sama-samang paninindigan ng mga Pilipino upang mapangalagaan ang kalikasan at ang likas na yaman ng Pilipinas mula sa pagkasira sa kamay ng mga dayuhang mamumuhunan dulot ng isinusulong na pagbabago ng 1987 Philippine Constitution na bunga ng EDSA People Power Revolution.
“The truth of the EDSA People Power shines like a guiding star for the people to rise and continue the struggle for JustPeace. We must draw together our kababayan to defend the environment from foreign plunder and protect the heritage of Filipinos from foreign ownership and control. We must unite and push for the fulfillment of democratic rights and freedoms enshrined in the 1987 Philippine Constitution. Our struggle for genuine justice and peace in the Philippines is far from finished.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Alminaza.
Ayon sa Obispo na siya ring vice chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Social Action Justice and Peace, napapanahon na muling magkapit-bisig ang sambayanang Pilipino upang sama-samang isulong ang kasagraduhan ng Saligang Batas ng Pilipinas mula sa mga nagsusulong ng Charter Change.
Giit ni Bishop Alminaza, higit na kinakailangan sa ngayon ng bayan ang pagkakaisa at sama-samang paninindigan ng lahat upang maprotektahan ang Saligang Batas na naglalaman ng mga tinatamasang kalayaan, karapatan at demokrasya ng bansa.
“The Filipino people must link arms, once more, and insist that peacebuilding is the way forward, not surrendering our sovereignty and patrimony through power-grabbing Charter Change. Let us be a new sea of hope that pours into the streets as a demonstration of the People Power we need today, one that celebrates being multifaith, multi-colored, and multi-sectoral. Let us rise as an ocean for genuine peacebuilding that struggles for the common good of the Filipino people.” Dagdag pa ni Bishop Alminaza.
September 23, 1972 ng malaman ng mamamayang Pilipino na nagsimula na ang Martial Law o ang Batas Militar sa ilalim ng Administrasyon Marcos ngunit September 21, 1972 ang opisyal na petsang nakasulat sa Proclamation 1081.
Batay sa tala sa ilalim ng Martial Law, umaabot sa mahigit 3,000 ang sinasabing pinaslang, 35,000 ang tinortyur at 70,000 ang ipinakulong dahil sa hindi pag-sangayon sa patakaran ng dating
administrasyong Marcos.
Umaabot naman sa higit 75,000 indibidwal mula sa buong bansa ang lumapit sa Human Rights Claims Board na biktima ng iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Batas Militar at Rehimeng Marcos na tumagal ng 20 taon.
Nagwakas ang Martial Law at ang Rehimeng Marcos sa pamamagitan ng mapayapang EDSA People Power Revolution noong taong 1986 kung saan sa harap ng mga tangke at ng militar ay dumagsa sa EDSA ang mamamayan mula sa iba’t-ibang antas ng lipunan kasama ang mga lingkod ng Simbahan at nagkaisa sa pananalangin para sa mapayapang pagkamit ng demokrasya ng bansa mula sa diktadurya na naging inspirasyon ng iba’t ibang bansa upang isulong ang kani-kanilang kasarinlan sa pamamagitan ng pagkakaisa sa halip na paggamit ng dahas.